Nakatikim ka na ba ng beef pares? Masarap, di ba? At ngayon, gusto mo nang alamin paano magluto ng beef pares. Well, bakit hindi? Popular ang beef pares sa Pilipinas. Bukod kasi sa pagiging malasa at masarap, ay talaga namang pasok na pasok ito sa budget. Karaniwan itong makikitang ibinebenta sa mga kanto lalo na sa gabi. Makakabili ka rin nito sa mga karinderya o mga mami house. Ang napakalambot na baka at ang lasa ng anise ang dahilan kung bakit ito ay binabalik balikan ng mga Pilipino. Ang salitang “pares” na sa ingles ay “pair” ay literal na pagpapareha ng ulam na ito sa kanin. Karaniwang kapareha nito ay garlic fried rice.
Naaalala ko pa noong bago pa lang akong nagtatrabaho. Halos gabi-gabi ay beef pares ang aking hapunan. Maliit lang kasi ang budget ko noon at kailangang magtipid. Pero dahil mura lang ang beef pares, solved na solved na ang dinner, may extra fried rice pang kasama. Kaya ngayon, naisipan kong gawan ng PaanoHow article kung paano magluto ng beef pares. Simulan na natin!
Mga sangkap:
- 1/2 kilo beef brisket (dibdib na bahagi ng baka), hiwain sa maliliit na cubes
- 1-2 kutsara ng mantika
- 5 piraso o cloves ng bawang, hiwain
- 1 piraso ng sibuyas na pula
- Dahon ng sibuyas, tadtarin
- 1 pirasong maliit na luya, kinudkod o tinadtad nang maliliit
- 2 kutsara ng toyo
- 2 pirasong star anise
- 2 kutsara ng asukal na pula
- 2 kutsara ng oyster sauce
- seasoning (pwede ring asin)
- Pamintang durog
- 2 kutsara ng cornstarch na tinunaw sa isang tasang tubig.
Paano Magluto ng Beef Pares
- Sa isang kaserola, ilagay ang mantika at painitin nang ilang minuto. Ilagay ang karne baka at lutuin. Haluin lang nang haluin para maging pantay ang magkakaluto.
- Tanggalin sa kaserola ang karne at itabi muna. Igisa naman ang bawang, sibuyas na pula at luya.
- Ibalik ang karne ng baka, isama sa sinangkutsang bawang, sibuyas at luya.
- Ilagay ang toyo, asukal na pula, at star anise. Lagyan ng katamtamang dami ng tubig hanggang lumubog lang ang karne ng baka. Huwag masyadong damihan ang tubig upang hindi lumutang ang karne.
- Pakuluan nang dahan-dahan sa mahinang apoy hanggang lumambot na ang karne ng baka at nangalahati na ang tubig sa kaserola.
- Ilagay na ang oyster sauce, seasoning at pamintang durog.
- Ilagay ang cornstarch na tinunaw sa tubig upang lumapot ang sabaw.
- Kapag malapoy na, patayin na ang apoy at ilagay bilang toppings tinadtad na dahon ng sibuyas.
- Ihain na kasama ng kanin. Pero, syempre, mas masarap ito kung ang ka-pares ay garlic fried rice o sinangag.
Karagdagang Tips:
- Para sa panlasa ko, mas masarap kung pipigaan ng kahit isang calamansi.
- Mas masarap rin kung maraming bawang (fried garlic).
- Para naman sa ilan, ang kaunting karagdagang anghang ay mas nakakagana.
Oh, ayan na! Pwede nang i-enjoy ang beef pares. Ngayon, i-share mo ito sa friends mo para naman malaman nila kung gaano kasimple ang paraan kung paano magluto ng beef pares. Please also LIKE our Facebook page >> https://www.facebook.com/PaanoHow.