Dahil pasukan na naman, dagsa na naman ang mga bagyo at dagsa na rin ang bagyo ng assignments. Tama ba? Mapa-reaction paper hanggang sanaysay (essays), formal themes, posisyong papel (position paper) at kung ano-ano pa. Pero syempre, nandito kami para tumulong sa mga estudyante. Sa partikular na article na ito, ating pag-uusapan ang mga hakbang kung paano gumawa ng posisyong papel.
Ano nga ba ang isang posisyong papel?
Base sa pangalan ng papel na ito, “posisyong papel“, mahihinuha natin na syempre, kukuha tayo ng posisyon natin at tungkol dito tayo magsusulat. Ang partikular na posisyong ito ay tungkol sa isang topic o isang isyu. Para lang siyang isang debate, mayroong “sang-ayon” at “di sang-ayon” patungkol sa isang bagay na pinagtatalunan.
Kadalasan, mga kontrobersiyal na mga bagay ang nagiging usapan sa mga posisyong papel. Tulad ng “Dapat bang maging legal ang divorce dito sa Pilipinas?” at ang “Dapat bang maging legal ang same-sex marriage sa Pilipinas?”
Kung mapapansin ninyo, hindi lang kontrobersiyal ang mga topic na ito, sila rin ay napapanahon, dahil alam naman nating ito ang pinag-uusapan sa senado.
Ano ba ang laman ng isang posisyong papel?
Ngayong alam mo na kung ano at para saan ang isang posisyong papel, sagutin naman natin ngayon ang katanungan kung ano ba ang dapat na laman ng isang posisyong papel?
Una, syempre, dapat ay laman nito ang iyong opinyon o ang iyong posisyon patungkol sa nabanggit na kontemporaryong isyu. Isang maling paniniwala ang sabihing dalawa lang ang posisyon sa lahat ng isyu, ang “sang-ayon” at “hindi sang-ayon.” Maaring magbanggit ng mga kondisyonal na posisyon tulad ng, “Sang-ayon ako, hanggang sa…” o ang “Sang-ayon ako, ngunit dapat na kaakibat nito ang…”
Ikalawa, dapat ay magbigay ito ng malinaw na punto kung bakit ka pumapanig sa nabanggit mong posisyon. “Hindi ako sumasang-ayon na gawing legal ang same-sex marriage dito sa Pilipinas dahil una, ang kahulugan ng kasal ay ang pagsasama ng isang babae at isang lalaki sa ilalim ng panunumpa sa simbahan…”
Siguraduhing malinaw ang ibinibigay na dahilang panuporta sa iyong posisyon. Hindi ka lang nagsusulat ng isang opinyon, hangga’t maaari, mainam rin na mapaniwala mo o makumbinsi mo ang mga mambabasa na pag-isipan ang kanilang opinyon tungkol sa sitwasyon.
Ikatlo, ang isang posisyong papel ay dapat na maglatag ng mga impormasyon sa pamamagitan ng mga data mula sa mga pananaliksik at pag-aaral. Kung kaya’t, siguraduhing gumagamit ka ng mga numero, bahagdan at mga facts na ito. Ngunit, huwag lang basta-basta mag-banggit ng mga numero, siguraduhing may kredebilidad ang mga ito at hindi maaaring ma-kwestiyon nino man.
Paano gumawa ng posisyong papel?
Ngayong alam mo na kung ano ang isang posisyong papel at ano ang dapat nitong gawin, alamin na natin ngayon ang paraan kung paano gumawa ng posisyong papel. At syempre, ikaw na ang gagawa nito.
Syempre, una, umpisahan ito sa isang magandang introduksyon na hahakot ng mga mambabasa. Tulad ng dati, maaaring gumamit ng isang tanong o isang matinding pangungusap sa umpisa.
Halimbawa, “Dalawa ang nanay ko. Wala akong tatay. Tignan ninyo ako ngayon — masaya, maayos ang buhay ko tulad ng ibang normal na mga batang may isang ama’t isang ina.”
Mula dito, mag-segway papunta sa aktwal na isyu na tinutukoy ng iyong posisyong papel. Sa pagbanggit sa isyu, siguraduhing magbibigay ka ng background tungkol dito. Bakit nga ba ito pinag-uusapan? Kailan ito unang lumabas sa media?
Matapos mong banggitin ang isyu, maaari mo nang sabihin ang iyong posisyon. Saan ba ang iyong mga opinyon? Nasa “sang-ayon” ba? O nasa “hindi sang-ayon?” O baka naman ay nasa ikatlong uri, ang kondisyonal na posisyon.
Mula dito, punuin ang iyong papel ng mga dahilan bilang panuporta sa iyong napiling posisyon. Dito na papasok ang mga estadistika at mga numerong iyong nakuha mula sa iyong pananaliksik. Dahil syempre, kung mayroong numerical na data, mas madaling mapapaniwala at makukumbinsi ang mga mambabasa.
Pagkatapos ng isang paragraph tungkol sa lahat ng iyong nasaliksik na impormasyon, maaari ng magkaroon ng isang kongklusyon o maaari ring isang ending statement ang magamit.
Tulad ng, “Oo, dalawa ang nanay ko. Nagmamahalan sila. Hindi naman sila nakakasakit ng iba, ‘di ba? Anong masama kung hahayaan natin silang magsumpaan ng pag-ibig nila?”
Hindi naman parating kinakailangan ng isang kongklusyon ang lahat ng ating isinusulat. Iwaksi na natin ang itinuro sa ating kailangang may conclusion na parang isang scientific experiment ang lahat.
Maaari rin namang magtapos sa kung paanong paraan mo nakikitang tatatak sa isip ng iyong mga mambababasa.
Bilang isang reference, ito ang isa sa napakaraming format na maaari mong isulat ang iyong posisyong papel.
- malakas na panimula
- pagpapakilala ng isyupagpapakilala ng iyong posisyon
- pagbibigay suporta sa iyong posisyon
- malakas na katapusan
Ngayon, handa ka dahil alam mo na kung paano gumawa ng posisyong papel. I-share mo naman ang article na ito sa iyong mga classmates para matuto na rin sila kung paano gumawa ng posisyong papel nila at sabay kayong makapagpasa ng assignment kay teacher.