​​

Paano Maging Positibo

Marami ang nahihirapang maging positibo sa mga panahon ngayon. Tulad nga ng sabi nila, ang buhay ay parang isang gulong. Minsan nasa taas ka, at minsan naman nasa baba ka. Hindi perpekto ang mundo at may mga kapangitan ito. May mga masasamang loob. At hindi nakakatulong ang araw-araw na mga balita tungkol sa rape, patayan o mga digmaan sa pagitan ng mga bansa.

Pag pinag-isipan mo, hindi kagandahan ang mundo. Idagdag mo pa ang stress sa traffic, pamilya at trabaho. At kung masama ang araw mo, madali talagang magkaroon ng negatibong pananaw sa buhay. Iyon bang tipong nawalan ka ng pag-asa na magiging masaya ka pa. Iyon bang pakiramdam mo walang pagkakaiba kung buhay ka o hindi. Maraming mga tao ang negatibo ang pagtingin sa mundo.  Huwag mong ibilang ang sarili mo sa kanila. Maging positibo ka.

positivity

img source: en.wikipedia.com

Paano Maging Positibo? Paano magkaroon ng positibong pananaw sa buhay?

Tignan ang mahahalaga sa iyo.

Marahil, negatibo ang pagtingin mo sa mundo dahil walang taong mahalaga para sa iyo. Wala kang taong gusto mong protektahan. Kaya pakiramdam mo, wala ng kahulugan ang mabuhay. Maraming tao ang nawawala sa buhay at hindi alam ang patutunguhan, dahil walang taong importante para sa kanila. Pakiramdam nila wala silang mawawala.

Hanapin mo ang taong gusto mong protektahan buong buhay mo. Balikan mo ang pamilya mo o humanap ka ng taong mamahalin mo. Ang taong ito ang magbabalik ng pag-asa para sa iyo. Para bang gusto mong makasama siya hanggang sa iyong huling hininga. Ito ang tunay na kapangyarihan ng pagmamahal, kaya nitong manggamot at maghilom ng mga sugat. Kaya ng pagmamahal na magbigay pag-asa sa isang taong nawalan na ng liwanag sa buhay.

Maghanap ka ng isang taong magtuturo sa iyo upang makita ang mundo sa isang positibong liwanag. Hanapin mo ang taong gusto kang protektahan at nais manatili sa tabi mo hanggang kamatayan. Hanapin mo ang taong magpapakita sa iyo ng kagandahan ng mundo.

Sa mundong ito, mahahanap mo ang kasiyahan sa pagmamahal.

Pansinin ang simple ngunit magagandang bagay.

Mahirap tumingin sa mga positibong bagay sa mundong ito. Pero marahil, ang napapansin mo lang ang mga negatibo. Lumabas ka, pansinin mo ang mga bagay sa paligid mo. Ang bulaklak na sumibol sa isang maruming siyudad na ito. Ang mag-asawa na nag-aaway sa kung anong ihahanda pang-hapunan. Sa mundong ito, may mga positibo at negatibo. Nasa iyo kung alin ang iyong papansinin.

Matuto kang magpahalaga sa maliliit at magagandang bagay sa mundong ito. Kung palagi ka na lang nakatutok sa mga hindi magandang balita, hindi mo na mapapansing ang magagandang nangyayari sa buhay. Ang simpleng mga ngiti ng ibang tao ay patunay na may kaligayahan pa dito sa mundong ito. Ang simpleng pag-ulan, ang simpleng pag-awit ng mga ibon, ang mga ito’y patunay na may kaligayahan kahit na ang mundo ay puno ng mga negatibong bagay.

Subukan mong pansinin ang mga simpleng bagay sa mundong ito.

Hanapin ang lugar kung saan ka magiging positibo.

Makabubuting ilagay mo ang sarili mo sa isang positibong kapaligiran. Ilapit mo ang sarili mo sa positibong aura. Kung nasa isang siyudad ka kung saan mausok at talamak ang mga krimen, magbakasyon ka sa probinsya at lasapin ang sariwang hangin. Ipahinga mo muna ang sarili mo sa isang lugar na puro negatibo ang mapapansin mo. Nakakahawa ang pagiging negatibo tulad ng isang viral na sakit.

Maganda ring mag-volunteer at gumawa ng charity work pag minsan. Ang ngiti sa mukha ng mga taong natutulungan mo ay talaga namang uplifting at nakakapagpasaya. Tulad ng pagiging negatibo, nakakahawa rin ang mga ngiti at kasiyahan. Ang mga taong ito ay positibo ang pananaw sa buhay dahil mayroong mga taong tumutulong sa kanila at puno sila ng pag-asa. Maiisip mo rin na masaya ang pagtulong.

Gawin ang magpapasaya sa iyo.

Humanap ka ng isang bagay na mahal mo at magpapasaya sa iyo – sports, hobby o talent. Find something to live for. Find something to die for. Ang paggawa ng isang bagay na ikasasaya mo ang magpapakita sa iyo na may mga magandang bagay pa sa mundong ito. Kung gusto mo talaga, mabubuhay ka araw-araw dahil gusto mo itong ipagpatuloy, at ‘yan ang iyong kasiyahan.

Para isang racer, kapag nakasakay ka na sa race car mo, pakiramdam mo walang bagay sa paligid mo sa sobrang bilis ng takbo mo. Para sa isang pintor, masaya ang pag-express ng sarili mo gamit ang mga kulay. Para sa isang writer, magaan sa loob ang pag-imagine ng isang fictional story. Ang mga taong ito, hindi nila maisip kung isang araw hindi na sila maka-guhit pa ulit, o makasulat ng isang kwento. Iyon ay dahil mahal nila ang kanilang ginagawa at isa ito sa kanilang kasiyahan.

Hanapin mo ang kasiyahan mo at hanapin ang isang bagay na ikakasaya mo.

Sumama sa mga taong positibo.

Kung ang pagiging negatibo ay nakakahawa, ganoon din ang pagiging positibo. Kung papansinin mo, ang mga taong negatibo ay napapaligiran din ng mga gaya nila. Kaya naman kung gusto mong mapuno ng pagiging positibo ang iyong buhay ay makisama ka sa mga taong positibo rin ang pananaw sa buhay, sa mga taong masiyahin at puno ng pag-asa.

Ang mundo ay nakakalungkot pag minsan. Minsan, nakakalungkot isipin na may mga masasamang tao sa mundong ito. Pero hindi dahil may masama ay wala nang mabuti. Mayroon pang kagandahan ang mundo, mga ngiti at ligaya ng mga tao. Kaya hindi pa huli para magkaroon ka ng positibong pananaw sa mundong ito.

Kaya, lumabas ka at hanapin ang tunay na kaligayahan, nang mahanap mo ang positibo sa mundong ito. Good luck at alam kong kaya mo ‘yan!

Comments

comments

error: Content is protected !!