​​

Paano Gumawa ng Kutsinta

Ang kutsinta o kuchinta ay isang klase ng rice cake o kakanin na kilalang pagkaing Pinoy. Tinatawag rin itong puto kutsinta. Karaniwang ka-partner nito ay ang ginadgad o kinayod na niyog. Alamin natin ngayon kung paano gumawa ng kutsinta.

Simple at madali lang ang paraan kung paano gumawa ng kutsinta. Kaunti lang din kasi ang mga sangkap na kailangan sa paggawa nito at hindi rin kakain ng maraming oras.

Simulan na natin.

Paano Gumawa ng Kutsinta

Sa paggawa ng kutsinta, kakailanganin natin ang mga sumusunod:

  • 7 1/2 cup maligamgam na tubig
  • 2 1/2 tsp pandan flavor
  • 3 3/4 cup washed sugar
  • 5 tsp lihiya
  • 2 1/2 cup All Purpose Flour 
  • 2 1/2 cup Cassava Starch
  • 3 tbsp atsuete
  • 5 tbsp mainit na tubig
  • kinayod na niyog

Narito naman ang step-by-step na paraan kung paano gumawa ng kutsinta.

  1. Tunawin ang atsuete sa 5 tbsp na mainit na tubig. Itabi kapag natunaw na.
  2. Sa isang bowl naman, paghaluin mo ang maligamgam na tubig at washed sugar. Haluin mo lang hanggang sa matunaw na ang asukal. Palamigin mo ito. Pwede mong i-refrigerate sa loob ng hanggang 15 minuto.
  3. Kapag malamig na, ihalo mo na ang pandan flavor at lihiya.
  4. Ihalo mo na rin ang all purpose flour o harina at ang cassava starch. Haluin mong mabuti at siguraduhin na walang namumuong harina o cassava starch.
  5. Alisin mo ang natirang buto ng atsuete sa na tinunaw mo sa mainit na tubig sa unang hakbang.
  6. Kapag nasigurado mong maayos na ang pagkakahalo sa mga sangkap, pwede mo nang idagdag ang atsuete na tinunaw sa tubig. Haluing mabuti.
  7. Salain ang mixture gamit ang salaan na may pinong mga butas. Gagawin mo ito para mawala ang mga bula dahil sa paghahalo mo kanina.
  8. Kapag wala na ang mga bula, pwede mo nang isalin ang mixture sa mga moldehan. Karaniwang hugis pabilog ang ginagamit. Pero kung nais mong mayroong twist ang kutsinta mo, pwede kang gumamit ng ibang hugis.
  9. Kapag nailagay na sa mga moldehan, i-steam ang mga ito sa loob ng 20 hanggang 25 minuto sa mababang init.
  10. Matapos i-steam, palamigin nang kaunti at pwede nang alisin sa moldehan.
  11. Lagyan ng kinayod na niyog at pwede nang ihain.

O, di ba? Simple lang ang mga paraan kung paano gumawa ng kutsinta. Akala ko noon ay mahirap itong gawin ngunit hindi naman pala. Bukod sa madali lang hanapin ang mga sangkap sa palengke ay madali lang din pala itong gawin.

Loading...

Kapag nakagawa ka na ng kutsinta, i-tag mo kami ha? >> PaanoHow on Facebook.

Comments

comments

error: Content is protected !!