​​

Paano Maging Handa sa Bagyo

Bilang isang tropikal na bansa, hindi magiging madalang ang pagdalaw sa atin ng bagyo. Sa katunayan, ang average na bilang ng pumapasok na bagyo sa bansa ay sampu kada taon. At ang masaklap pa, may mga bagyong napakalakas talaga at mapaminsala. Kaya naman mabuting handa tayo sa mga parating na bagyo.

paano maging handa sa bagyo

Paano maging handa sa bagyo?

Maging pamilyar sa mga termino.

Mahalagang alam natin ang mga terminong ginagamit tuwing may bagyo. Gaya na lamang ng PSWS o Public Storm Warning Signal.

PSWS (Public Storm Warning Signal) – ito ay may kinalaman sa lakas ng hangin.

  • Signal # 1 – Ang bagyo ay nagtataglay ng hangin na may lakas na 30-60 kph. Kapag ganito, ang mga estudyanteng kinder ay hindi na pinapapasok.
  • Signal # 2 – Ang bagyo ay nagtataglay ng hangin na may lakas na 61-100 kph. Kapag ganito naman, ang mga estudyanteng nasa elementarya pababa ay hindi na pinapapasok sa paaralan.
  • Signal # 3 – Ang bagyo ay nagtataglay ng hangin na may lakas na 100-185 kph. Wala nang pasok ang mga estudyanteng nasa mataas na paaraalan at pababa.
  • Signal # 4 – Ang bagyo ay nagtataglay ng hangin na may lakas na higit sa 185 kph. Wala nang pasok sa kahit anumang antas ng paaralan.

Mayroon din namang mga babala tungkol sa dami naman ng ulan o rainfall advisories na magiging sanhi ng pagbaha.

  • Yellow rainfall advisory – 7.5 – 15 mm na ulan. Posible na ang pagbaha kung mayroon nang ganitong advisory. Bagama’t hindi pa kailangang lumikas, mahalagang i-monitor ang paligid kung tataas pa ang pagbaha.
  • Orange rainfall advisory – 15 – 30 mm na ulan. May baha na sa ganito karaming ulan at kailangan nang maging mas alerto sa mga susunod na oras kung kakailanganin ang paglikas.
  • Red rainfall advisory – mahigit 30 mm na pag-ulan. Kailangan nang lumikas dahil inaasahan na ang mataas na pagbaha.

Makibalita sa mga kaganapan ukol sa paparating na bagyo.

Mahalagang malaman ang bawat kaganapan sa paparating na bagyo. Manatiling nakikinig sa radyo o telebisyon ng malaman ang paggalaw ng bagyo at iba pang importanteng balita tulad ng paglikas o taas ng baha sa iyong lugar. Tutukan ang mga programang pangbalita upang malaman ang bawat kaganapan.



Negosyo sa maliit na puhunan ba ang hanap mo? Click mo dito.

Makibalita sa social media.

Kung minsan, mas mabilis kumalat ang balita sa social media lalo na sa twitter. Ingat lang, dahil hindi lahat ng balita sa social media ay totoo. Piliin ang mga account na dapat mong sundan at paniwalaan gaya ng @dost_pagasa at iba pang accounts ng mga news channel gaya ng sa @gmanews at @abscbnnews.

Mag-imbak ng pagkain, tubig at mga kagamitan.

Umpisahan na ang pag-iimbak ng pagkain at tubig bago pa man dumating ang bagyo. Mahalagang mag-imbak ng mga kakailanganin habang nasa evacuation centre kung sakaling kailanganing lumikas. Mag-impok ng pagkain na madaling dalahin kahit saan at hindi madaling mapanis tulad ng mga delata, biskwit at tinapay. Maari rin ang mga instant na pagkain na kinakailangan lamang ng mainit na tubig upang maluto. Sa panahon ng bagyo, ang pagluto at paggamit ng kalan ay magiging sagabal lang sa iyong paglikas. Kung kaya’t nakabubutng mga delata ang pagkain na imbakin. Mag-imbak rin ng malinis na tubig na inumin.

Bukod sa pagkain at tubig, mag-imbak rin ng ilang pangunahing pangangailangan tulad ng damit na sapat para sa tatlong araw na pananatili sa evacuation centre. Mahalaga ring magkaroon ng kit na naglalaman ng gamot at first-aid medicine kung sakaling may magka-sakit habang nasa evacuation centre.

Ang kit ay dapat maglaman ng gamot sa lagnat, dulot ng ulan at pagod sa panahon ng bagyo, gamot para sa sakit ng tiyan, gamot para sa ubo at sipon na karaniwang sakit tuwing umuulan. Bukod sa mga gamot, dapat ring maglaman ang kit ng paunang-lunas sa mga sugat o aksidente na maaring mangayari habang nasa loob ng evacuation centre. Magkaroon ng alcohol o disinfectant, iodine providone o betadine, band-aid at soothing balms para sa mga kagat ng insekto o sprain at pilay.

Siguraduhing ang pagkain, tubig, gamot at damit na iyong inimbak ay nasa iisang kahon lamang upang madali bitbitin sa paglikas.

Ihanda ang bahay sa paglikas.

Matapos ihanda ang sarili at pamilya sa paglikas, iyong ihanda ang iyong bahay na iyong iiwanan sa panahon ng paglikas. Siguraduhing ang mga mahahalagang kagamitan ay nasa mataas na lugar at malayo sa baha. Halimbawa ang mga telebisyon at computer set na masisira kung maluloblob sa baha. Ilagay ang mga appliances o importanteng bahay sa pinakamataas na lugar sa iyong bahay. Tulad ng second floor, kung mayroon man, o ang attic upang hindi maabot ng ulan.

Ang mga mahahalagang dokumento tulad ng titulo ng lupa at bahay, birth certificate, passport at visa ay dapat nakalagay sa isang waterproof folder upang hindi medaling mabasa at ilagay ito sa parte ng bahay na medaling maabot upang medaling makuha sa oras ng paglikas.

Ang mga alagang hayop tulad ng aso at pusa ay ilikas. Maaring isama ang mga alaga sa evacuation centre upang ang mga ito ay mabantayan o maari ring ilikas sa isang mataas na lugar upang maiwasan ang pinsala o sakuna.

Manatiling alerto sa oras ng bagyo.

Manatiling gising sa oras ng bagyo. Karamihan sa mga nabibiktima ng sakuna sa panahon ng bagyo ay natitilog at hindi namamalayan ang kaganapan sa kanilang paligid. Maging alerto at makibalita rin kung sakaling nagpapalikas na ang gobyerno. Kung mayroon ng signal na lumikas sa mag evacuation centre, wag mag-atubiling hindi lumikas. Marami ang mga nagdadalawang-isip na lumikas dahil natatakot na iwanan ang bahay, o ang mga alagang hayop. Ngunit kung ang mga ito ay iyong napaghandaan, makakalikas ka ng maayos. Ang mga napiling evacuation centre ay nasa matataas na lugar at bihirang abutin ng baha kung kaya’t di hamak na mas ligtas ang mga ito kaysa sa inyong mga tahanan. Mas madali ring maabot ang tulong kung ikaw ay nasa evacuation centre dahil ditto kadalasang namimigay ng relief goods.

Maging alerto sa galaw ng bagyo at sa buhos ng ulan sa iyong lugar. Sama-samang ilikas ang pamilya at ang mga bata upang maging ligtas mula sa bagyo. Mahalagang maghanda para sa isang bagyo upang maiwasan ang sakuna at maging ligtas sa kasagsagan ng pag-ulan. Ihanda rin ang mga alagang hayop at kagamitan upang hindi mapinsala ng bagyo. Siguraduhin rin na handa ang pamily sa paglikas sa mga evacuation centre at sila mayroong pagkain, tubig, damit at gamot. Maging handa at ligtas sa panahon ng bagyo.

Ikaw? Paano ka naghahanda tuwing may bagyo? I-share mo naman!

error: Content is protected !!