Tag-init na naman! Bukod sa lumalalang init ng panahon, minsan nakikisabay na rin ang init ng ulo ng mga tao. Kaya naman naisip namin na maghanap ng mga paraan kung paano magpalamig at manatiling cool ngayong tag-init.
Paano magpalamig?
Kung may air conditioner ka sa bahay, ayos lang siguro ang iyong pakiramdam. Pero kung wala, malamang ay hindi ka na mapakali kung paano giginhawa ang iyong pakiramdam o kung paano ka magpapalamig. Bakit? Dahil kahit na ang hangin na binubuga ng electric fan ay mainit pa rin. Mas nakakairita iyon at nakakapanlagkit pa sa pakiramdam.
Kaya naman, narito ang aming mga tips kung paano ka makakapagpalamig ngayong tag-init.
- Gumamit ng cotton. Gumamit ng mga gamit na yari sa telang cotton – damit, kobre-kama, kumot. Nakakatulong magpalamig ang telang cotton dahil madaling nakakadaan dito ang hangin kumpara sa ibang tela.
- Pumili ng mas maluwag na mga damit para presko. Kung komportable ka sa sando, magsando ka. At ulit, cotton ang tela para mas presko.
- Gumamit din ng mga light colors. Dahil ang dark colors ang nakakahigop ng init. Ang mga light colors ay nakakapag-reflect ng liwanag at init kaya naman light colored na mga gamit ang gamitin.
- Kung mainit ang ibinubugang hangin ng electric fan, baligtarin mo ito. Hindi literal na ibabaligtad mo ang electric fan kundi ihaharap mo ito sa labas ng bahay. Magsisilbi itong exhaust fan. Gawin mo ito ilang minuto at lalabas na ang init na naipon sa loob ng bahay. Noong una, akala ko ay hindi effective ang ganitong trick pero magkamali ako. Okay na okay ito.
- Bumili ka ng yelo. Hindi lang para sa tubig na inumin. Bumili ka ng extrang yelo pa para ilagay sa isang maliit na planggana. Tapos, ilagay mo ang planggana sa likod ng iyong electric fan. Sa ganitong paraan, lalamig ang hangin na hihigupin ng electric fan at hindi na mainit ang ibubuga nito.
- Kumuha ka ng isang face towel at basain mo ito. Paborito ko din ito kapag sobrang init na. Ipunas mo lang sa iyong mukha ko katawan maya’t maya. Ginagawa ko ito habang nakaharap sa electric fan. Subukan mo din ito kahit natutulog. Ipapatong ko ang basang towel sa aking katawan o noo at magiging presko na ang pakiramdam.
- Kung kulang ang isang ligo, maligo lang ulit. Hindi na kailangan ng mahabang explanation dito, di ba?
- I-off ang mga ilaw. Nakakadagdag sa init ang ilaw. I-off na rin ang mga appliances na hindi naman ginagamit para hindi na makadagdag sa init.
- Matulog sa papag. Parang nasa probinsya, alam natin na mas presko matulog sa papag kaysa kutson.
- Uminom palagi ng tubig. Maraming nakakaranas ng dehydration sa ganitong panahon kaya naman importanteng uminom ng tubig na mas madalas kaysa sa normal. Kaunti pero madalas. Makakatulong ito nang malaki para maging cool ang iyong pakiramdam.
Iyan ang aming mga tips para makapagpalamig ka ngayong tag-init. Ikaw? May alam ka bang iba pang paraan kung paano magpalamig ngayong summer? I-share mo naman sa amin ang paborito mong trick para magpalamig ngayong tag-init para manatiling cool ang pakiramdam.
Reference: