Minsan, nagkakamali tayo at nasasaktan natin ang iba. Minsan, nagkakasala rin tayo at nakakasakit ng kapwa. Tayo ay mga tao, at hindi tayo perpekto. Tayo ay nagkakamali, nagkakasala at nakakasakit, normal lang ‘yan dahil tayo ay mga tao. Ang tunay na kagandahan ng pagiging isang tao ay ang kakayahang itama ang ating mga pagkakamali at matuto mula sa mga ito.
Mahirap humingi ng tawad. Lalo na kapag mahirap patawarin ang iyong mga kasalanan. Ngunit kung alam mong nagkamali at nakasakit ka ng ibang tao dapat kang humingi ng tawad. Itama mo ang iyong mga pagkakamali bago pa man mahuli ang lahat. Paano nga ba mahanap ang tapang at kagustuhang humingi ng tawad?

Paano nga ba humingi ng tawad?
Realize your mistake
Huwag mong dagdagan ang iyong mga kasalanan. Sa halip pag-isipan mong mabuti ang iyong pagkakamali. Saan ka ba nagkulang? Saan ka ba nagkamali? Huwag kang humingi ng tawad hangga’t hindi mo nauunawaan ang iyong pagkakamali. Maraming mga tao ang humihingi ng tawad ng walang tunay na pagkilala sa kanilang mga pagkakamali. Ang mga taong ito ay hipokrito at niloloko lang nila ang kanilang mga sarili.
Huwag mong ibilang ang sarili mo kasama ng mga hipokritong mga ito. Unawain mo ang tunay mong pagkakamali. Kung saan ka nagkulang at kung alin ang iyong kasalanan. Kapag nakilala mo na ang iyong pagkakamali, pag-isipan mo ito ng mabuti. Matapos mong maunawan ang iyong pagkakamali, maiintindihan mo ang nararamdaman ng taong hihingian mo ng tawad.
Don’t make excuses and speak the truth
Maraming mga tao ang kinamumuhian ang kanilang mga sarili dahil sa kanilang mga pagkakamali. Sa tangkang pagaanin ang loob nila, nag-iisip sila ng mga alibi o palusot na hindi naman totoo. Sinusubukan nilang kumbinsihin ang sarili nila na wala silang kasalanan at isinisisi ang kanilang mga pagkakamali sa mga bagay na hindi dapat sisihin.
Bakit nabasag mo ang mamahaling vase ng lola mo? Tadhana dahil sadyang nasa mesa ang vase kung saan ka naglalaro. Bakit ka nag-two time at nasaktan ang girlfriend mo? Tadhana dahil nagkagusto ka sa dalawang babae sa parehong pagkakataon. Ito ay halimbawa ng pagsisi ng iyong kasalanan sa ibang tao o bagay na hindi mo dapat sisihin.
Hindi mo lang niloloko ang ibang tao, niloloko mo rin ang sarili mo. Sa halip, sabihin mo ang buong-buong katotohanan at ipagtapat mo ito kapag hihingi ka na ng tawad. Walang maidudulot sa iyo ang pagsisinungaling kung hindi pagkalason sa sarili mong mga salita. Hindi ka natututo mula sa iyong pagkakamali, tinuturuan mo rin ang sarili mong magsinungaling sa ibang tao at sa iyo.
Gather the courage
Mahirap hanapin ang tapang ng loob para humingi ng tawad. Lalo na kapag ang kasalanang ginawa mo ay mabigat at mahirap mapatawad. Pero kailangan mong hanapin ang tapang na iyon para maitama ang iyong mga pagkakamali. Huwag kang maging duwag at hayaan na lang ang iyong kasalanan. Humingi ka ng tawad para sa iyong mga pagkakamali.
Itabi mo muna ang pride mo at ang takot mo. Hindi mo iyan priority sa ngayon. Ang priority mo ay ang pagsisihan ang iyong pagkakamali at makahingi ng tawad. Huwag kang magpakain sa pride mo o sa takot mo.
Envision how it will go
Bago ka sumabak sa laban, paghandaan mo muna ang iyong mga sasabihin. Practice what you will say. Para hindi ka mawalan ng salita kapag humihingi ka na ng tawad. Isulat mo lahat ng mga gusto mong sabihin sa papel at basahin ito ng ilang beses. Gusto mong masabi lahat ng mga saloobin mo kaya nakakatulong kung hindi mo ito kakalimutan. Huwag mong hahayaan ang sarili mong mautal habang humihingi ka ng tawad. Magmumukha kang insincere at hindi seseryosohin ng mga tao ang apology mo.
Paghandaan mo at pagplanuhin ito ng maayos. Alamin mo ang tamang panahon kung saan handa ka ng humingi ng tawad. Pumili ka ng isang oras na pwede kayong mag-usap na dalawa ng masinsinan.
Be sincere
Kung pinaplano mong humingi ng tawad at umalis kaagad, mas nakabubuting huwag ka na lang humingi ng tawad. Gawin mong main goal mo sa paghingi ng tawad ang mapagtanto ang iyong mga pagkakamali. Huwag ka lang humingi ng tawad dahil hindi na maganda ang pagtingin sa’yo ng mga tao. Ngunit humingi ka ng tawad upang mapalaya mo ang sarili mo sa iyong konsensya at upang matuto ka ng hindi na ito maulit.
Kapag kaharap mo na ang taong hihingian mo ng tawad, huwag kang maging duwag. Sabihin mo kaagad ang tunay mong intensyon. Tingnan mo sa mata ang iyong kinakausap at banggitin mo ang bawat salita na galing sa iyong puso. Ang isang hindi matapat na paghingi ng tawad ay parang isang tinapay na walang palaman – kulang at nakaka-disappoint.
Hindi sapat ang paghingi ng tawad lamang. Kinakailangan mong pagsisihan ang iyong mga pagkakamali dahil iyon ang tunay na kahulugan ng paghingi ng tawad. Walang pakinabang ang isang apology ng walang tunay na pagsisisi.
Mahirap hanapin ang tapang at tamang pagkakataon para humingi ng tawad. Ngunit kung alam mong nagkamali ka, nararapat lang na humingi ka ng tawad sa maling mga ginawa mo upang maitama ang isang pagkakamaling maaring humabol sa konsensya mo. Good luck at alam kong magagawa mo ‘yan!