Minsan sa isang taon, tuwing unang Linggo ng Mayo, ipinagdiriwang natin ang Mother’s Day o ang Araw ng mga Ina. Siyam na buwan nila tayong dinala sa kanilang sinapupunan pero isang beses lang sa isang taon ang pagdiriwang para sa kanila. Marapat nman siguro na gawing espesyal ang araw na ito.
Kung wala ka pang ideya kung paano ipagdiriwang ang Mother’s Day, baka sakaling makatulong ang aming mga mungkahi:
- Gumawa ka ng tula. Hindi naman kailangang maging napakaganda at perpekto. Hindi rin naman kailangang magkakatugma lahat. Ang mahalaga ay narron ang mensahe ng pasasalamat at pagmamahal.
- Bigkasin o di kaya naman ay basahin mo ang tulang iyong kinatha sa iyong ina. Nasisigurado kong mapupuno ng ngiti ang inyong tahanan kung gagawin mo iyon.
- Maaari rin namang isulat mo na lang sa isang maayos na papel. Maging malikhain. Lagyan mo ng kulay, guhitan mo ng kung anu-ano. Wag mong isipin na pambata ang ganyang gawain. Ano naman, di ba? Mas masarap yata ipaalala sa iyong ina ang kakulitan mo noong bata ka pa.
- Gumawa ka ng simpleng greeting card. Ilagay mo doon ang iyong tula. Makaluma pero nakakaantig ng damdamin.
- Gumawa ka ng isang bulaklak na yari na tinupituping papel. Maaaring nakasulat pa rin sa papel na iyon ang tulang katha mo o kaya naman ay nakasulat na dahon na isasama mo sa bulaklak.
- Pwede mo ring i-record o i-video ang iyong pagtula. Kung mayroon kang mga kapatid, isama mo sila sa video. Nakakatuwa ito.
Kung ayaw mo naman sa tula, ipagluto mo siya.
- Gumising ka nang maaga. Unahan mo siya sa paggising at ipagluto mo siya ng almusal. Hindi kailangang mamahaling almusal. Kahit simpleng pritong itlog, tinapay at kape ay pwede na. Maging malikhain ka lang. Pwede mo kortehan ng puso ang pritong itlog o kaya ikorteng puso ang paglagay ng catsup.
- Kung sakaling hindi mo kinaya ang paggising nang maaga, ipagluto mo siya sa tanghali o kaya ay para sa hapunan. Marami namang recipe ang makikita sa internet. Mamili ka ng kakaiba na sa tingin mo ay magugustuhan ng kanyang panlasa.
Kung mayroon ka namang budget, mas maraming pwedeng gawin.
- Isama mo siyang kumain sa labas. Sa isang restaurant na hindi pa niya nakakainan.
- Manood kayo ng sine.
- Maglaro sa amusement park.
- Ilibre mo siya sa spa o kaya magpahilot para marelax naman siya.
Napakaraming paraan ang pwede. Pero sana, wag kalimutan ang isang napakahalagang bagay, ang magpasalamat. Minsan hindi naman nila kailangan ng mga regalo o kung anu-anong ililibre mo sa kanila. Isang simpleng pasasalamat lang ay higit pa sa mga regalo. Samahan na rin ng yakap at halik para kumpleto.
Happy Mother’s Day sa lahat ng magigiting na mga Ilaw ng Tahanan.