​​

Paano Gumawa ng Konseptong Papel (Concept Paper)

Aalamin natin ngayon kung paano gumawa ng konseptong papel. Simulan natin sa definition. Ang mga konseptong papel ay isang uri ng nasusulat na ang layunin ay magpakilala ng isang ideya at konsepto sa mga taong maaaring mag-pondo ng iyong proyekto at ideya.

Kadalasan, ang mga pangulo o kalihim ng mga school/baranggay organizations ang nagsusulat ng isang konseptong papel. Para kasi ito sa mga projects na inilalatag para sa paaralan/classroom o kung saan man.

Dito sa artikulong ito, aming tatalakayin ang mga epektibong paraan kung paano gumawa ng konseptong papel. Layunin rin naming matutunan mo ang mga paraan kung paano pa mapapabuti ang iyong konseptong papel.

Paano Gumawa ng Konseptong Papel (Concept Paper)

Kunin sa simula

Tulad ng sa iba’t-ibang uri ng papel na isisinusulat, mapa-essay man o maikling kwento, nakasanayan na naming bigyang halaga sa mga PaanoHow articles namin ang simula.

Syempre, dahil dito nakasalalay kung babasahin ba ng iyong mambabasa ang iyong isinulat hanggang dulo. Dito nakasalalay kung magpapatuloy ba sila upang malaman ang mga impormasyong iyong isinulat.



Negosyo sa maliit na puhunan ba ang hanap mo? Click mo dito.

Mas lalo na kung ang simulang iyong isinusulat ay para sa isang konseptong papel. Dito nakasalalay kung maaaprubahan ba o mapopondohan ba ang iyong proyekto.

Maaari mo itong gawin sa pamamagitan ng:

  • Paglalantad ng isang nakakagulantang na estadistikang kaugnay ng iyong proyekto.

Halimbawa: 50 milyong katao ang namamatay taon-taon dulot ng climate change.

  • Paglalantad ng isang agaw-atensyon na katotohanan.

Halimbawa: Nang rumagasa ang Ilog Agno noong nakaraang buwan, kasama ang aking ina sa mga nabawian ng buhay.

  • Pagtatanong ng isang tanong na gigising sa iyong mambabasa.

Halimbawa: Nasubukan mo na bang mawalan ng isang mahal sa buhay dulot ng isang natural na kalamidad?

  • Paggamit ng mga tunog na gugulatang sa mga mambabasa.

Halimbawa: “BANG!” ang nagpagising sa akin ng gabing iyon.

Magbigay dahilan kung bakit ka sumusulat sa sponsor na ito

Dito naman sa parteng ito mo ipapaliwanag ang iyong mga dahilan kung bakit ka humihingi ng pinansyal na tulong mula sa sponsor na ito.

Dapat, maayos at propesyonal ang iyong magiging tono sa pagsulat sa kanila. Alalahanin na ang respeto ay dapat na makikita sa bawat salitang iyong isinusulat.

Maglatag rin ng facts na iyong napansin o na-obserbahan tungkol sa sponsor na iyong nilalapitan.

Maglatag rin ng facts na iyong napansin o na-obserbahan tungkol sa sponsor na iyong nilalapitan. Isa ba itong LGBTQ advocate at may kinalaman ba ito sa iyong proyekto? Konektado ba sila sa iyong proyekto? Pareho ba kayo ng layunin o linya ng sinusundang paraan.

Ipahayag ang problemang iyong sinosolusyunan

Para saan ba ang iyong proyekto? Ano ba ang problemang sinusubukan nitong solusyunan? At ano ang kinalaman nito sa iyong sinusulatang sponsor?

Ang problema bang ito ay importante at laganap sa inyong lugar? Ang problema bang sinasagot nito ay medaling solusyonan?

Dito mo ipahayag at ipaliwanag kung ano ang kahalagahan ng proyektong iyong sinusubukang buuin kaugnay ng problemang sinasagot nito.

Kumbinsihin ang mga mambabasa na ang problemang ito ay importante at mahalaga at kaya itong solusyunan ng iyong proyekto.

Ipahayag ang kahalagahan ng iyong proyekto

Ano ang kahalagahan nito? Sino-sino ang mga taong makikinabang dito kapag nakumpleto na ang nasabing proyekto? Makakatulong ba itong padaliin ang buhay ng mga taong makikinabang nito?

Bakit mahalaga ito para sa atin, sa iba at sa Inang Kalikasan?

Dito ipahayag at kumbinsihin ang iyong mga sponsor kung bakit mahalaga at kailangang ipatupad ang iyong proyekto.

Ipaliwanag kung ano ang iyong proyekto

Dito ipaliwanag kung ano nga ba ang iyong proyekto.

Ano ba ang ginagawa nito? Para saan ba ito? Paano nito masusulusyunan ang iyong problemang nabanggit? Ano ang prosesong kinakailangang mangyari upang gagana ng maayos ang iyong proyekto?

Gumamit ng mga diagrams o figures kung kinakailangan.

Tapusin sa isang maayos na konklusyon

Bilang pagtatapos, magbigay ng isang maayos at simpleng konklusyon na naglalahad ng lahat ng mga bagay na iyong nabanggit mula umpisa hanggang katapusan.

Mahalaga ito upang maging kohesibo ang iyong isinusulat na konseptong papel at maging kapani-paniwala ito.

Ibang mga tips at tricks sa kung paano gumawa ng konseptong papel

  1. Maging maikli at maayos ang pagkakasulat upang medaling maunawaan ang iyong sinasabi.
  2. Huwag magpaligoy-ligoy. Siguraduhing direct to the point ka at tinutukoy kaagad ang mga bagay na dapat tukuyin.
  3. Huwag gumamit ng mga mabulaklak na mga salita. Isang konseptong papel ang iyong isinusulat. Hindi isang Wattpad story. Ang layunin mo ay magbigay-alam at hindi mang-aliw ng iba.
  4. Mas maganda kung gagamit ka ng mga figures at diagrams upang ipaliwanag ang iyong proyekto. Dagdag ito sa iyong kredibilidad at pangkumbinsi na rin sa iyong sponsor na kaya mo ang responsibilidad na ipatupad ang proyekto.
  5. Isulat ang iyong konseptong papel ayon sa iyong mga sponsor. Mas nakabubuti bang sumulat sa kanila sa English o sa katutubong wikang inyong ginagamit? Sa pagsulat, ang iyong mambabasa ay parating isaalang-alang.
  6. Ayusin ang pagkakagawa ng iyong konseptong papel. Kung ito ay nasa English, siguraduhing tama ang grammar at maganda ang pagkaka-ayos ng mga pangungusap. Maaring gumamit ng anu mang software na makatutulong.

Ngayon ay alam mo na kung paano gumawa ng konseptong papel. Kung sakaling mahanap mo man ang sarili mong nawawala o nahihirapan na magpatuloy, maaari namang kumunsulta sa artikulong ito patungkol sa ano mang problemang iyong makaharap.


References:

error: Content is protected !!