​​

Paano Gumawa ng Maikling Kwento (Short Story)

Mapa-elementary, junior high school, senior high school o hanggang college, kilalang-kilala na natin kung ano ito. Madalas nating maririnig ang ating Filipino o English teachers na binabanggit ang mga salitang “maikling kwento” o sa Ingles ay short story. Madalas rin, pinapasulat tayo nito kaya inaalam talaga nating kung paano gumawa ng maikling kwento.   

Kadalasan, mapapailing na lang tayo kapag ito ang kailangan nating isulat. Kahit na maikli ang tawag dito, mahaba pa rin ang ating isusulat at mahirap mag-isip ng kung saan patungkol ang kwento.

Ngunit huwag kang mag-alala, dahil narito kami para turuan ka kung paano gumawa ng maikling kwento. Huwag matatakot o malulula sa iniisip mong hitsura ng isang maikling kwento.

Dahil sa katotohanan, maikli lang iyan.

Paano Gumawa ng Maikling Kwento?

Una, ang isang maikling kwento ay isang buong kwento na mayroong bilang ng salita na mas mababa sa 7500 na mga salita.



Negosyo sa maliit na puhunan ba ang hanap mo? Click mo dito.

Tungkol saan ang iyong maikling kwento?

Una sa lahat, bago mo pa maitapat ang iyong ballpen sa iyong papel, kailangan mo munang pag-isipan kung tungkol saan ba ang iyong isusulat.

Malayang pagpili ba ito? O binigyan ka ba ni ma’am ng isang specific na topic (e.g. “Ang Naging Bakasyon Ko). Kung maaari kang pumili, piliin mo ang isang senaryo na nakita mo na upang madali mo itong mailalarawan sa iyong pagsulat. Kung binigyan ka naman ng isang specific topic, alalahanin mo ang mga panahong nangyari sa ‘yo ito o ang mga panahong may kaugnayan dito.

Ang ginagawa mo ngayon ay ang pag-visualize ng mangyayari.

Mag-desisyon kung anong gagamitin

Matapos mong isipin kung tungkol saan ang iyong isusulat, maaari ay mayroon ka ng ideya kung ano ang gagamitin mong mga elemento ng kwento.

Mga elemento:

  • Sino ang mga tauhan sa kwento?
  • Saan ito nangyari?
  • Ano ang nangyari?
  • Paano makakaapekto ang sino, saan at ano ng kwento sa kung paano nangyari ang senaryo?
  • Ano ang gusto kong gamiting point of view?

May tatlo: (1) First person – kung saan gumagamit ng “ako”, “kami”, (2) Second person – kung saan gumagamit ng “ikaw” at “kayo” (madalas lamang ginagamit sa pagsulat ng editoryal. (3) Third person – kung saan ginagamit ang “siya” at “sila”.

  • Saan ang umpisa, kasukdulan at katapusan?

Pag nasagot mo na ang lahat ng ito, tiyak ay makakatulong ang mga katanungang ito upang maayos mong maisulat ang kwento ayon sa balangkas na iyong gagawin.

Gumawa ng outline

Ang parteng ito ay maaaring lampasan. Hindi lahat kayo ay maaaring may oras upang gumawa ng outline o marahil, ang iba sa inyo ay tinatamad lang. Ngunit sasabihin ko na: mahalaga ito upang mapadali at mapaganda ang inyong trabaho.

Mahirap kasi na magsusulat ka ng wala kang kaalam-alam sa kung anong gusto mong isulat. Maaaring magpaligoy-ligoy ka ng walang pinupunto. Pag gano’n, sinasayang mo lang ang oras at pagod mo – pati na rin ng mga taong magbabasa ng iyong isinusulat.

Sa paggawa ng isang outline o balangkas, isipin mo muna kung saan nag-umpisa ang scenario. Nag-umpisa ba ito sa paggising mo sa isang umaga at napansin mong nasa katawan ka ng ibang tao? O marahil sa pagsakay mo ng bus pauwi, ay nakita mo ang isang lalaking may hawak na baril, mga minuto bago ma-hi-jack ang bus?

Pagkatapos ng umpisa, isipin mo kung ano ang susunod na mangyayari. Mula dito, isa lang naman siyang proseso ng pagtatanong sa iyong sarili kung “Ano ang susunod?” hanggang marating mo ang dulo ng mga pangyayari.

Kapag narating mo na ang dulo, pwede mo ng alisin ang mga ‘di mahahalagang pangyayari na hindi naman makakaapekto sa daloy ng istorya upang mapaikli ang iyong isusulat.

Halimbawa:

“Nang Naging Isa Akong Bayani Isang Gabi ng Ako’y Pauwi”

  • Pagpunta ko sa bus stop habang inaalala ang birthday party ng aking kasamahan sa trabaho
  • Pagsakay ko sa bus at ang aking nakitang baril sa kamay ng isang lalaki
  • Inisip ko kung bababa ba ako ngayon o sasakay na
  • Napaupo ako dahil umarangkada na ang bus
  • Napaupo ako sa likod ni kuya na may hawak na baril
  • Kinabahan ako at pinagpawisan ng malamig
  • Tinext ko ang malapit na police station na nagkataon ay ang pinagtratrabahuan ng kuya ko (alam kong dadaanan namin ito)
  • Tumayo ang lalaking may hawak ng baril at lumapit sa harap; malayo pa kami sa police station
  • Tinutukan niya ang driver
  • Nakarating rin kami sa police station kung saan naghihintay na ang mga pulis, nakaharang ang kanilang sasakyan
  • Na-kontrol ang pag-hi jack sa bus at nakauwi kaming lahat ng ligtas
  • Na-interview ako bago ako umuwi
  • Mga nangyari matapos ang gabing iyon

Isulat base sa ginawang balangkas

Mula sa iyong ginawang balangkas, isulat ang mga pangyayari ng mas detalyado hanggang marating mo ang dulo.

Ang ilang mga tips na maaari mong gamitin habang isinusulat ang mga detalye ng mga pangyayari:

  • Gumamit ng dialogue o mga salita upang mabigyang-buhay ang kwento. Anong sinabi niya ng nangyari ang ganito? Ilagay ang dialogue sa loob ng mga panipi (“,”) at huwag na huwag ilalagay ito sa ganitong format, parang awa.

Alex: Mundo’y magiging ikaw…  

Para sa script lang ang ganitong pagsulat. Maglaan rin ng isang talata (paragraph) upang paghiwalayin ang mga nagsasalita.

  • Isama ang mga reaksyon/emosyon na nararamdaman ng mga characters sa istorya. Ano ang naging reaksyon nila para sa nangyari?

Dapat ay makikita ang mga salitang: kinabahan, natuwa, natakot, nasiyahan, kinabahan ako, pinagpawisan ng malamig at iba pa upang isaad ang mga nangyayari.

  • Isaad kung saan nangyayari ang lahat ng pangyayari. Ano ang amoy? Ano ang hitsura? Ano ang klima sa lugar na ito? Ano ang naririnig mo? Mas magiging matunog ang istorya kung binubuhay mo ang iyong setting at hindi lang ang mga tauhan sa istorya.
  • Siguraduhing malakas ang iyong umpisa, upang mapa-basa ang iba hanggang sa gitna o sa dulo.

Halimbawa: (hinango sa: “Minsan May Isang Puta” na isinulat ni Mike Portes)

Tingin ng mga bobong kapitbahay ko, puta daw ako. Nagpapagamit, binabayaran. Sabi nila, ako daw ang pinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar noon. Di ko nga alam kung sumpa ito, dahil dito naletse ang kinabukasan ko.

Magtapos nang malakas

Dapat lang na mag-umpisa sa isang malakas na panimula. Ngunit syempre, nababagay rin na magtapos ng malakas sa isang nakakatinag na panapos.

Maganda kung iko-connect mo ito sa iyong naging umpisa. O maaari ring maglabas ng isang malakas at hindi inaasahang rebelasyon.

Ngayon, alam mo na kung paano gumawa ng maikling kwento, kayang-kaya mo nang magsulat nito. I-share ang article na ito sa iyong mga classmates para matuto na rin sila kung paano gumawa ng maikling kwento.


Reference:

https://jerz.setonhill.edu/writing/creative1/shortstory/
http://deejayxd.blogspot.com/2011/10/minsan-may-isang-puta-2007.html

error: Content is protected !!