​​

Paano Gumawa ng Spoken Poetry (at mga Halimbawa)

Paano gumawa ng spoken poetry? Ano ba ang spoken poetry? Bakit marami ang nahuhumaling sa spoken poetry?

Tayong mga Filipino, natural na sa atin ang pagiging mga makata. Mula pa nang panahon ng Dakilang Ama ng Balagtasan na si Francisco Balagtas, mula nang panahon ng pagkasulat ng Florante at Laura at ng mga awit at korido na ating inaawit sa simbahan, hanggang sa kasalukuyan, nananalaytay sa ating dugo ang pagiging mga makata. Pero kagaya ng ibang bagay, naiiba rin ang nauuso. Kung uso noon ang mga balagtasan, ngayon naman ay nauuso ang spoken poetry.

Bukod sa pagiging mga makata nating mga Filipino, tayo rin ay malikhain, kung kaya’t nasa ating kakayahan ang pagsamahin ang modernong porma ng mga tula at ang ating sariling wika. Marami sa atin ang mahilig paglaruan ang mga salita. Dahil dito, bilang isang resulta, lumalaganap na ang pagsulat ng spoken word poetry. At isa pa, nauso rin kasi ang mga “hugot” na naisama sa mga tula na nakadagdag naman sa pagiging popular ng spoken poetry.

Marami ngayon ang kilalang mga spoken poetry artists gaya na lang nina Juan Miguel Severo, Maimai Cantillano, Froy Figueroa, Henry Igna, Louise Meets at marami pang iba. Marami kang makikita sa YouTube o kahit sa Facebook.

Ano ang Spoken Poetry?

Kilala rin ito sa tawag na Spoken Word Poetry o Slam Poetry. Ito ay tula na ginawa o isinulat para i-perform sa harap ng mga tao. Kagaya na lang ng pagpe-perform ng mga kanta. Ginagamitan din ito ng musika para makadagdag sa emosyon.

paano gumawa ng spoken poetry

Paano Gumawa ng Spoken Poetry?

Paano gumawa ng spoken poetry?

Ngayon naman, narito na ang mga tips kung paano gumawa ng spoken poetry. Para naman masimulan mo na.

Isipin kung ano ang nais mong isulat.

Una, bago ang lahat, dapat ay alam mo muna kung tungkol saan ang tulong iyong isusulat. Karamihan sa mga isinusulat ni Juan Miguel Severo ay tungkol sa kanyang mga pinagdaanan sa buhay at mga malalalim na mga diskusyon tulad ng pagmamahal sa ina at kung anu-ano pa.

Ngunit, walang batas na nagsasabi o nagbabawal sa iyong magsulat ng tungkol sa kahit anong gusto mong isulat. Dahil, ikaw ay sumusulat ng spoken word poetry, mahalaga na mula sa iyong puso ang iyong isusulat. Tandaan, hindi nalilimitahan ng paksang pag-ibig ang pagsusulat ng tula. Maaaring tungkol sa iba’t ibang bagay – kaibigan, kaaway, magulang, bansa, at iba pa.

Isipin mo na isa kang dinamita, at ngayong malapit na ang apoy, ikaw ay sasabog. Ilalabas mo ang lahat, ibuhos mo ang lahat sa isang kapiraso ng papel at dito ka mag-uumpisa.

Mula dito, handa ka na sa susunod pang mga paraan.

Mahalin ang wikang Filipino.

Isa sa katangian ng spoken word poetry ay ang taglay nitong matatalinghagang mga salita o mga salitang Filipino na hindi natin nakakasagupa sa ating araw-araw na pamumuhay. Bilang isang halimbawa, ang manunulat ng artikulong ito ay gumamit ng mga mabulaklaking mga salita na maaari mong magamit sa iyong pagsulat. Pero, hindi ito isang batas. Hindi mo kailangang gumamit ng mga salitang ikaw lang ang makakaunawa. Dahil tandaan mong may ibang taong makikinig sa iyong spoken poetry kaya naman isaalang-alang mo rin ang iyong mga tagapakinig.

Ang spoken word poetry ay isang tula. Isa itong tula at tulad ng napag-aralan natin sa hayskul, ang tula ay may taludturan, saknong, sukat at tugma. Maaaring hindi ka gumamit ng kahit ano sa apat na sangkap na ito dahil may kalayaan ang pagsusulat ng spoken word poetry. Ngunit, mas masarap pakinggan kung mahahagip mo ang mga sangkap na ito.

  • Taludturan – ito ay ang bawat linya ng iyong spoken word poetry
  • Saknong – ito ay grupo ng mga taludtod na tinutumbok ang iisang paksa
  • Sukat – ito ay ang bilang mga pantig sa bawat taludtod. Kadalasan, tinutugma-tugma ang bilang ng mga pantig sa magkakasamang taludtod sa isang saknong.
  • Tugma – ito ay ang tunog na magkapareho sa dulo ng mga saknong

Uulitin ko lang, hindi rin iyan batas. Pwede ka naman gumawa ng sarili mong istilo. Malaya ka. Ang mahalaga ay mailabas mo kung ano ang iyong saloobin.

Paglapat ng himig o ng tono.

Matapos mong makumpleto ang iyong spoken word poetry, maaari mo na itong lapatan ng tono. Maari kang gumamit ng mga tono ng iyong paboritong kanta o di naman kaya gumamit ng isang tono na iyong binuo.

Sa paglapat ng tono, mahalagang isaisip ang nais mong iparating sa iyong isinulat. Ikaw ba ay dapat na masaya o malungkot?

Ngayon, sa pamamagitan ng mga nabanggit ay alam mo na kung paano gumawa ng spoken poetry. Pero mas mabuti siguro kung mayroon kang halimbawa at inspirasyon. Panoorin ang mga video sa ibaba para sa ilang mga halimbawa:

Sa Pagitan Ka Natagpuan – Maimai Cantillano

 

Ang Huling Tula na Isusulat Ko para sa ‘yo – Juan Miguel Severo

 

Makapili – Jonel Revistual

Para sa iba pang halimbawa, pumunta lang sa mga links na ito:

Loading...

Ayos ba? Nakakuha na ba ng inspirasyon? Nag-alab na ba ang iyong damdamin at handa ka nang magsulat ng sarili mong spoken poetry? Ano pang hinihintay mo? Simulan mo na! At kapag nakagawa ka, pwede mong i-video ang iyong sarili at i-share mo naman sa amin. O kung gusto mo ay i-feature pa natin dito para maging inspirasyon sa ibang interesadong magsulat.

Comments

comments

error: Content is protected !!