​​

Gamot sa Sore Eyes at Paano Maiiwasang Magkaroon Nito?

Ang conjunctivitis o pink eyes o mas kilala sa atin bilang “sore eyes” ay isang uri ng infection sa ating mga mata na napakadaling makahawa. Kaya naman sa article na ito ay ise-share namin kung ano ang maaaring gawin o gamot sa sore eyes para sa mga taong mayroon na nito. At, syempre, kung paano na rin ito maiiwasan o mapigilan pa ang pagkalat.

May tatlong uri ng sore eyes depende sa pinagmulan nito:

  • Allergic conjunctivitis – Ito yung sore eyes na mula sa iba’t ibang allergens. Nagiging dahilan ng pagkairita ng mata ang mga allergens gaya ng alikabok o usok. Nalulunasan naman ito sa pamamagitan ng paghihilamos ng tubig sa mata.
  • Bacterial conjunctivitis – Kung ang sanhi naman ng sore eyes ay ang mga bacteria, kakailanganin mo o maaari kang resetahan ni Doc ng antibiotic para hindi na lumala pa ang infection.
  • Viral conjunctivitis – Kapag viral naman, ito yung sobrang nakakahawa. Wala talagang gamot dito. May magagawa ka lang para gumaan ang pakiramdam o mabawasan ang pagkairita ng iyong mata. Halimbawa na lang ay ang cold compress.

Sintomas ng Sore Eyes

  • Pamumula ng isa o parehong mata (kadalasang nagsisimula sa isang mata lamang)
  • Mas maraming muta lalo na sa pagkagising sa umaga
  • Pagluluha ng mata o paglabas ng malinaw o madilaw na tubig sa mata
  • Makati at sensitibo sa liwanag
  • Mababang lagnat
  • Pamamaga ng lymph nodes o pagkakaroon ng kulani malapit sa tenga

Gamot sa Sore Eyes

Ang gamot sa sore eyes ay depende sa kung ano ang sanhi nito. Gaya ng nabanggit na, kailangan lamang ang gamot o antibiotic kung ang sanhi ng sore eyes ay bacteria. Walang magagawa ang antibiotic kung ang sanhi lang ng sore eyes ay allergy o virus.

Ang viral conjunctivitis ay wala talagang lunas. Maaari kang resetahan ng antiviral ngunit ito ay para lamang hindi na makahawa pa ang virus na iyong nakuha. Pero wag kang mag-alala dahil may mga pwede ka namang gawin para mabawasan ang pagkairita ng iyong mga mata.

  • Ang mga mata ay kusang naglalabas ng luha kapag ito ay naiirita. Ito ang natural na panlaban nito sa iba’t ibang allegens at virus. Hayaan mo lang na magluha ang iyong mga mata.
  • Ang cold compress ay makakatulong din para gumaan ang pakiramdam ng iyong mata. Makakabawas sa pananakit at sa pangangati. Cold compress para sa mga allergic conjunctivitis.
  • Pwede rin ang hot compress. Syempre, huwag masyadong mainit. Pareho lang ng nagagawa ng cold compress pero para ito sa viral conjunctivitis.

Paano Maiiwasan ang Pagkalat ng Sore Eyes?

  • Huwag kusutin ang mata. Madaling kakalat ang mikrobyo sa pamamagitan ng pagkusot sa mata.
  • Ugaliin ang paghuhugas ng kamay. Pwede ring gumamit ng alcohol para mamamatay ang mga mikrobyo mula sa kamay at hindi na makakawaha pa.
  • Palagi ring palitan ang pamunas. Agad namang labahan ang ginamit na pamunas para hindi makahawa.
  • Magpalit ng punda ng unan araw-araw.
  • Mag-disinfect ng mga bagay na nahahawakan ng kung sino mang may sore eyes gaya ng door knob, remote control, switches, at iba pa.

Paano Maiiwasang Magkaroon ng Sore Eyes?

Kung hanggang ngayon ay naniniwala ka na kapag tumitig ka sa taong may sore eyes ay magkaka-sore eyes ka rin, itigil mo na iyan. Walang katotohanan yan.

Para hindi ka magka-sore eyes:

  • Maya’t maya ay maghugas ng kamay kapag mayroong may sore eyes sa paligid.
  • Mas okay kung may baon kang disinfectant gel o kaya naman ay alcohol.
  • Iwasang humiram ng gamit sa taong may sore eyes.
  • Palakasin ang immune system. Kapag mas ayos o tama ang iyong kalusugan, mas mabilis makakaiwas sa mga viral na sakit gaya ng sore eyes.
Loading...

Kadalasan, kapag may isang nagkaroon ng sore eyes, hawa-hawa na yan. Mabilis kumakalat sa buong pamilya at komunidad. Mas mabilis mahawa ng sore eyes ang mga bata kaya mas dapat silang turuan kung paano makakaiwas. At dahil nga walang gamot sa sore eyes, responsibilidad iyan ng isang magulang na maturuan ang mga anak.

Comments

comments

error: Content is protected !!