Tag-ulan, kaya talamak na naman ang lamok. At ang kasunod niyan ay ang pagkalat ng sakit na dala ng mga lamok gaya ng dengue. Ngayon ay aalamin natin kung paano makakaiwas sa dengue.
Para makaiwas sa dengue, ang kailangan natin ay maiwasan ang kagat ng lamok na nagdadala nito. Yun lang at wala nang ibang paraan.
Paano Makakaiwas sa Dengue
Narito naman ang mga paraan para makaiwas sa lamok na nagdadala ng dengue:
#1 Maglinis ng kapaligiran
Wala nang mas mabisa pang paraan para makaiwas sa lamok kundi ang malinis na kapaligiran. Ang mga lamok kasi ay naninirahan sa mga basura, kanal at mga stagnant water. Dito sila nangingitlog at magparami. Kaya maglinis para hindi maperwisyo.
#2 Palakasin ang immune system
Ang malusog na pangangatawan at ang pagkakaroon ng malakas na immune system ang pangunahing depensa ng ating katawan kontra sa dengue virus. Kaya ugaliin pa ring kumain ng mga healthy foods.
#3 Gumamit ng mosquito repellent sa bahay
Marami nang naglalabasang mga mosquito repellent ngayon. Uso sa amin ang paggamit ng katol kapag malamok. Pero dahil masakit sa paghinga ang paggamit nito, mayroong naging popular na insenso na hindi masyadong masakit sa ilong. Pwede ring gumamit ng mosquito spray.
#4 Gumamit ng mosquito repellent sa katawan
Maaaring sa pamamagitan ng katol o insenso o spray ay nakaiwas ka sa lamok. Pero iyan ay sa loob ng bahay. Pero paano naman kapag lumabas ka na? Pwede kang gumamit ng mga insect repellent na ipinapahid gaya ng lotion o spray. Mayroon ding nabibiling idinidikit sa damit o sticker. At mayroon ding bracelet.
#5 Gumamit ng kulambo
Lalo na sa mga baby. Dahil ang mga baby ay sensitibo pa ang pang-amoy at balat, hindi pwedeng basta-basta na lamang gagamit ng katol o ng kahit na anong pamahid sa balat. Kaya para makaiwas sa kagat ng lamok, gumamit na lamang ng kulambo.
#6 Magtanim ng mga halaman na nakakapagtaboy ng lamok
May mga halaman na pwede mong itanim na nakakapagtaboy ng lamok. Dahil ito sa hindi matagalan ng lamok ng amoy ng mga halamang ito. Don’t worry dahil hindi mabaho ang halamang ito. Sa totoo nga ay refreshing ang amoy ng mga halamang ito. Narito sila: marigold, mint, basil, citronella grass, lemongrass, geranium, rosemary, at lavender.
Ngayon na alam mo na ang mga paraan kung paano makakaiwas sa dengue, i-share mo ito para naman malaman ng iba pa nating mga kababayan. Napakahalaga nito lalo na sa panahon ngayon.