​​

Paano Maging Swerte o Makaiwas sa Malas sa Bagong Taon Ayon sa Pamahiin ng mga Pilipino

Kasama na sa kultura ng mga Pilipino ang paniniwala sa mga pamahiin. Napakarami nating mga pamahiin lalo na kapag may mga okasyon gaya ng birthday, kasal, anibersaryo, bagong taon, at maging sa paghahatid sa huling hantungan. Iba’t iba ang mga pamahiin pero karamihan sa mga ito ay pinaniniwalaang makakahatak ng swerte o kaya naman ay makakapagtaboy ng kamalasan. Kaya naman napakarami nating mga pamahiin lalo na kapag Bagong Taon.

Wala naman daw mawawalan sa ating kung maniniwala tayo sa pamahiin. Iyan ang laging sinasabi sa amin ng lola ko. Hindi naman daw namin ikakapahamak kung maniniwala kami. So, isa-isahin natin ngayon ang mga pamahiin tuwing Bagong Taon na pinaniniwalaang magdadala ng swerte o magtataboy ng malas.

Paano maging swerte

Paano Makaiwas sa Malas sa Bagong Taon

Huwag maghanda ng manok.

Alam niyo ba yung katagang “isang kahig, isang tuka”? Iyan ang dahilan. Huwag daw maghanda ng manok dahil kakahig daw buong taon. Ang sarap pa naman ng fried chicken. Sayang!

Bawal magwalis.

Kahit madumi ang bahay, bawal magwalis. Kasi naman, aalis daw ang swerte. Kaya kung ayaw mong malasin, huwag kang magwawalis.

Magpaputok.

Bawal na magpaputok ngayon ng mga ipinagbabawal na paputok. Pero noong mga panahong walang ipinagbabawal na paputok, iyong malalakas talaga ang ginagamit na paputok. Pinaniniwalaan kasi na makakapagtaboy ng kamalasan ang lakas ng ingay ng paputok. Mas malakas, mas mabibingi ang kamalasan kaya lalayo iyo.

Mag-ingay.

Parehas din sa paputok, mas malakas na ingay, mas lalayo ang kamalasan. Kadalasan ginagamit namin na pampaingay dati ay mga lata at torotot.

Tumalon pagsapit ng alas dose.

Pinaniniwalaan ng mga taong hindi katangkaran ang pamahiin na ito. Para daw ito madagdagan pa ang height. Pero alam mo ba na pinaniniwalaan din na ang pagtalon kapag alas dose sa bagong taon ay magtatanggal ng malas sa katawan. Dahil manlalaglag daw ang kamalasan kapag tumalon talon ka.

Paano Maging Swerte sa Bagong Taon

Buksan ang lahat ng bintana at pinto.

Kailangang bukas ang lahat ng bintana at pinto para raw may madaanan ang swerte papasok sa bahay. Siguraduhin lang na bantayan ang bahay at baka akyat-bahay ang pumasok.

Punuin ng handa ang mesa.

Masaganang lamesa para sa masaganang bagong taon. Para raw ito hindi maubusan ng pagkaing ihahain buong taon.

Punuin ang mga lalagyan ng pagkain.

Ganun din. Puno dapat ang refrigerator, ang bigasan, ang mga tubigan, at iba pa. Para raw unli ang supply.

Maghain ng 12 klase ng prutas na hugis bilog.

Labindalawang klase ng prutas na hugis bilog. Ang bilog ay nagre-represent ng pera at ang 12 na prutas naman ay ang 12 months buong taon. Para maging swerte ka raw sa 12 months. Kaya siguraduhin mong walang prutas na bulok ha?

Maghain at pagsaluhan ang malagkit na pagkain.

Ang malagkit na pagkain ay pinaniniwalaan na magpapakapit daw ng swerte. At kapag pinagsaluhan ng mag-anak ay mas magiging magkakalapit ang loob ng bawat isa sa lahat ng myembro ng pamilya.

Punuin ng barya ang bulsa.

Punuin ng barya ang bulsa at kalansingin ito kapag naghihiwalay na ang taon. Para raw hindi ka nawawalan ng pera. Huwag rin hahayaang may malaglag na barya, sayang ang swerte.

Magsuot ng polka dots na damit.

Iyong damit na maraming bilog na disenyo. Para swertehin daw. Bilog nga kasi ang pera.

O ayan! Maiitaboy mo na ang malas at maaakit mo na rin ang swerte. Maging masagana sana ang bagong taon nating lahat. May alam ka pa bang ibang pampaswerte o pantaboy ng malas? Share mo naman sa amin.

Uulitin ko lang na hindi masama ang maniwala sa pamahiin pero samahan na rin sama natin ng sipag. Dahil kapag mas masipag ka, mas tataas ang tsansa na magiging maswerte ka.

Loading...

Happy New Year!

Comments

comments

error: Content is protected !!