​​

Paano Maging Handa Sa Sakuna o Kalamidad (Basic Survival Tips)

Marami nang mga pangyayari na di naman natin kagustuhan at wala sa ating kontrol. Gaya na lamang ng mga sakuna o kalamidad. Nariyan na ang malalakas na bagyo, sunog, land slide, pagsabog ng bulkan, at lindol. Bagamat hindi maiiwasan at hindi malalaman kung kailan mangyayari, maaari naman itong paghandaan. Paano maging handa sa sakuna o kalamidad? Ito ay tungkol sa paraan kung paano makaka-survive sa panahon ng sakuna.

Ayon sa Red Cross, kritikal ang unang 72 oras o 3 araw para sa mga apektado para maka-survive. Bakit? Kasi sa mga oras na ito, posibleng hindi pa makakarating sa kinauukulan na kailangan niyo ng tulong. Posibleng bumagsak ang mga linya ng komunikasyon, kuryente at tubig na magiging dahilan kung bakit mas matatagalan ang pagresponde ng awtoridad o ng iba pang magbibigay ng tulong.

maging handaPaano maging handa sa sakuna o kalamidad?

Ang mga bagay na magliligtas sa iyo at sa iyong pamilya ay nasa loob lamang ng isang bag. Iba’t iba ang tawag nila dito – survival kit, go bag, bug out bag, emergency bag, lifeline kit. Kahit ano pa man ang tawag nila, isa lang ang ibig sabihin, kailangang may isang bag na sa panahon ng emergency ay dadamputin mo na lang.

Ano ang dapat laman ng emergency go bag?

  • Tubig. Ito ang pinakamahalaga sa lahat para maka-survive. Mabubuhay ang isang tao nang walang kinakain basta mayroon siyang tubig na iinumin. 1 gallon kada tao para sa inumin at panghugas.
  • Pagkain. Mabubuhay ang tao kahit walang pagkain sa loob ng ilang araw. Pero mas mabuti na rin na may tago kang pagkain. Maglagay sa emergency go bag ng mga non-perishable foods gaya ng mga dried foods, cereals, protein bars at pagkaing nasa lata. Pero kung maglalagay ng pagkaing nasa lata, siguraduhing easy-to-open ang lata.
  • Whistle. Malaki ang maitutulong nito lalo na kung walang paraan para makipagkomunikasyon.
  • Flashlight. May flashlight na ang mga cellphone ngayon pero mas mabuting may bukod kang flashlight sa iyong emergency go bag.
  • Battery-operated radio. Karamihan din sa mga cellphone ay may radio pero mas mabuting ireserba ang battery life ng iyong cellphone para sa komunikasyon. Kaya naman, mabuting mayroon kang battery-operated radio para makibalita sa mga nangyayari sa kapaligiran. Mahalagang makibalita para alam mo kung saan may parating na tulong o kung may parating pang sakuna.
  • Extra battery. Para ito sa dala mong flashlight at radio.
  • Posporo o lighter at kandila. Gamitin lamang kung siguradong walang leak ng gas sa lugar.
  • Multi-purpose knife. Marami nang ganito. May kutsilyo na, gunting, may pambukas pa ng lata.
  • Extra clothing. Hindi naman kailangang marami kang dalang extrang kasuotan. Kahit isang set lang ay pwede na.
  • First aid kit. Providone-iodine, isoprophyl alcohol, cotton, band aid, gauge, paracetamol, ibuprofen, antihistamines, etc.
  • Hygiene kit. Sabon, toothpaste, toothbrush, tissue, hand towel.
  • Mahahalagang dokumento. Birth certificate, marriage certificate, insurance certificate, ID’s. Ilagay mo ang mga iyan sa plastic envelope para hindi mababasa kung sakali.
  • Pera. As in cash. Kasi maaaring hindi ka makapag withdraw at hindi makagamit ng credit card sa mga panahong ganito kaya mahalagang may nakatabi kang pera. Ilagay mo na rin sa plastic envelop ibalot sa plastic para hindi mababasa.
  • Cellphone. Kung may extra cellphone ka, ilagay mo dito. Hindi naman kailangang hitech na cellphone.
  • Prepaid card. Baka wala kang mabilihan ng load. Mabuti nang may handa kang prepaid card.
  • Power bank. Alam mo na kung para saan ito.
  • Government emergency numbers. Isulat mo ito sa isang papel at isama sa plastic envelope ng mahahalagang dokumento. I-save mo na rin sa cellphone.

Sapat ang mga bagay na iyan para maka-survive sa loob ng 72 oras o 3 araw. Kung sakaling kailangan mo pa maka-survive sa mga susunod pang araw, kailangan mo na ng mga skills para maka-survive.

Mga karagdagang tips para maging handa sa sakuna o kalamidad:

  • Unang una, sa panahon ng sakuna, walang maitutulong ang pagpa-panic. Oo, mahirap maging kalmado pero mas mahirap makapag-isip ng dapat gawin kung magpa-panic.
  • Sa halip na unahin ang pagpo-post sa Facebook, unahing subukang makontak ang mga emergency numbers ng government. O kung hindi makontak, subukang tumawag sa ibang kamag-anak sa ibang lugar.
  • I-educate ang sarili at mga miyembro ng pamilya sa mga kailangang gawin. Gaya ng basic na “duck, cover, hold” kung lumilindol.
  • Alamin ang mga basic, gaya ng kung paano mag-purify ng tubig.
  • Alamin ang mga lugar kung saan naroon ang evacuation center. Ang bawat barangay ay may evacuation plan. Mahalagang alamin mo na ngayon pa lang kung saan ang evacuation area ng barangay kung saan kayo naninirahan at ang ruta kung paano magpunta doon.

Mula 2016 ay nagkaroon ng bagong emergency hotline ang Pilipinas, at ito ay ang 911. Pero bukod sa 911, may ilang linya pa na pwede mong kontakin sa oras ng kalamidad. Para sa kumpletong listahan, sundan lang ang link na ito: List of Philippine’s Emergency Hotline. Ipa-print mo at isama sa plastic envelope.

Narito naman ang ilan sa mga infograph mula sa iba’t ibang websites na maaari ninyong i-save sa inyong cellphone o i-print. Gamitin ang mga ito para makatulong sa pag-educate sa inyong sarili at pamilya.

Tandaan! Maging alisto, maging handa.

Loading...

References:

Comments

comments

error: Content is protected !!