Gusto mong malaman kung in-love ka. Kaya ka nga napunta rito para maghanap ng sagot sa iyong katanungan. Hindi ka namin bibiguin. Malalaman mo ngayon kung in-love ka o baka naman akala mo lang.
Lahat tayo ay nakapaloob sa isang cycle. Ang cycle ng buhay na kung tawagin nga nila ay “pagmamahal.” Kung saan, tayo ay nagmamahal, minsan sobra-sobra, minsan nasasaktan at minsan naman ay nakakamit natin ang “happily ever after”. Pero, madalas, kaya tayo nasasaktan sa isang relasyon dahil hindi talaga tayo nagmamahal. Dahil, siguro, hanggang crush lang o paghanga ang naramdaman natin. O baka naman puppy love lang na talagang hindi nagtatagal. Ngunit inakala natin na tunay na pagmamahal.
Kaya naman, narito ang ilang mga tips at tricks upang malaman kung in-love ka ba talaga.
Paano mo malalaman kung in-love ka?

Ang tibok ng puso
Oo, tama nga ang basa mo. Ang tibok ng puso na inaakala ninyong para sa mga babae lang ay nararamdaman rin ng mga lalaki. Nararamdaman mo bang tumitibok ng mabilis ang iyong puso kapag tinitigan ka niya? O di kaya naman, mabilis ang takbo ng iyong puso kapag gabi, bago matulog, habang inaalala mo ang mga ngiti niya, ang mga matatamis niyang halakhak.
Babae ka man o lalaki, mararamdaman mo ang pagbilis ng pagtibok ng iyong puso kung tunay ka nga bang nagmamahal. Iba ang kilig at ang maya’t-mayang pagba-blush dahil sa ibang tao. Kadalasan, kapag nakakaramdam ka ng kilig o pag-init ng iyong mga pisngi, maaaring puppy love lang iyan.
Dahil pwede kang kiligin dahil sa isang artista, isang artista na di hamak ay di ka kilala. Pwedeng magpa-cute sa iyo ‘yung crush mo, at mararamdaman mong iinit ang iyong mga pisngi. Ang dalawang sitwasyon ay kaiba sa tunay na pag-ibig dahil mga espesyal na mga tao lang ang nakakapagpatibok ng iyong puso. Ngunit, hindi mo rin dapat balewalain ang mga ito sa kasalukuyan dahil maari itong maging tunay na pagmamahal. Malay natin, hindi ba?
Mga luha ng pagmamahal
Minsan ka na bang naiyak dahil lang sa kakaisip sa kanya? Minsan ka na bang naluha dahil sobrang nag-aalala ka para sa kanya? Minsan mo na ba siyang iniyakan dahil na-busted ka niya, nasaktan ka niya? Luluha lang ang isang tao kapag sobrang sakit na, o sobrang saya mo na. Sino nga ba ang makakapagpa-iyak sa atin dahil sa sobrang tuwa o lungkot? Hindi ba’t ang mga tunay nating minamahal? Ang ating mga kapamilya, at sa mga napaka-espesyal na pagkakataon, ang mga taong ating minamahal.
Minsan ka na bang umiyak sa iyong kama? Habang iniisip-isip mo siya. Baka naman nami-miss mo na siya. O baka naman, inaalala mo ang mga mapapait, at masasaya ninyong alala? Kung umiyak ka na dahil iniwan ka niya, at dumadaan ka ngayon sa isang state of depression, aba, sinasabi ko sa’yo at tumayo ka sa iyong kama, ngayon pa lang, maligo ka at mag-ayos-ayos at hanapin mo siya.
Huwag mo na siyang pakakawalan dahil ang sobrang pait at sobrang saya ay nararamdaman lamang ng isang taong labis na ang tunay na pagmamahal. Habulin mo siya, gawan mo ng paraan kahit nasa ibang bansa pa siya, kahit wala kang pera o passport, hanapin mo siya at sabihin mong mahal na mahal mo siya tulad ng pagmamahal ng isang unggoy sa isang saging o tulad ng pagmamahal niya sa pagkain. O baka naman ay mas masidhi pa roon.
Siya lang at ang kalawakan
Kapag kausap mo siya, kapag nakatitig ka ng malalim sa kanyang napakagandang mga mata, pakiramdam mo ay siya lang at ikaw ang tao sa buong kalawakan. Pakiramdam mo ay kayong dalawa lang, at ang buong universe, kayong dalawa lang at walang ibang tao o alien. Pakiramdam mo ay iisa kayo at ng buong mundo.
Na kapag nag-usap kayo ng mahaba-haba ay makakalimutan mo ang lahat. Makakalimutan mong may exam ka pala sa tatlong oras. Makakalimutan mong may heart surgery ka pala mamayang gabi (Joke lang). Makakalimutan mong hiwalay pala ang parents mo. Makakalimutan mo ang sakit at ang kirot ng iyong lasog-lasog at pinagtagpi-tagping puso. Makakalimutan mo lahat ng iyong mga problema tuwing kasama mo siya at masaya kayo.
Na kapag magkasama kayo, basta masaya, kahit gutom o walang pera, okay na ang lahat. Na pagmamahalan lang, sapat na. Tunay na iyang pagmamahal. Na kahit walang pagkain sa mesa, hindi kayo magsisisihan o mag-aaway kung hindi ay maghahanap ng solusyon ng magkasama.
Quiz Time
Kung hindi ka sigurado kung tunay nga ba ang iyong pagmamahal na nararamdaman, heto ang isang quiz na makakatulong sa iyo upang malaman. Kumuha ka ng papel at lapis para i-tally ang iyong score.
- Hindi ka agad makatulog sa kakaisip sa kanya (5 pts)
- Tumibok nang mabilis ang iyong puso dahil sa kanya (5 pts)
- Kinakabahan ka kapag magkasama kayo. (5 pts)
- Umiyak ka dahil iniwan ka niya (10 pts)
- Dinamdam mo ang pang-iiwan niya sa iyo (15 pts)
- Ipinagpaliban ang ibang bagay para lang makasama siya (5 pts)
- Nagseselos ka kapag may kasama siyang iba (5pts)
- Minsan mo na siyang tinulungan sa problema niya, lalo na kung delikado ito at kinailangan mong mag-sacrifice (tulad ng: police ang kalaban, pumuslit sa campus) (20 pts)
- Na-depress ka noong iniwan ka niya. (10 pts)
- Gusto mo siyang makita ulit at mas madalas. O gusto mong maging magkasama. (20 pts)
100-85: Mahal mo talaga siya.
84-75: Malapit na doon ang iyong nararamdaman.
74-50: Malayo-layo pa sa tunay na pagmamahal ang iyong nararamdaman.
50 pababa: Hindi mo talaga siya mahal baka naman ay iniisip mo lang.
(Tandaan, ang quiz na ito ay isang bagay lamang na dapat makatulong sa iyo. Huwag ibase sa iyong score kaagad ang iyong desisyon. Pag-isipan mong mabuti.)
Maraming mga bagay rin na napagkakamalang tunay na pag-ibig ngunit hindi pala. Tulad ng:
Lust sa love.
Puppy love sa tunay na pag-ibig.
Infatuation from true love.
Ngayon, masasabi mo na ba kung in-love ka nga ba o akala mo lang?