​​

Paano Magkaroon ng Self-confidence (Tiwala sa Sarili)

Kung minsan, nasa atin na ang talento, abilidad at pati swerte pero hindi pa rin magawa ang mga bagay-bagay. Ito ay dahil sa mayroon pang kulang, ang self-confidence o tiwala sa sarili. Kaya ang tanong, paano magkaroon ng self-confidence?

Gaya ng tiwala sa ibang tao, ang tiwala sa sarili ay unti-unti ring binubuo. Parang bahay, dapat ay may matibay sa pundasyon. Dahil ang pundasyong ito ang magiging puhunan para sa landas na napili nating tahakin at para magtagumpay sa buhay. Sabi nga nila, sa self-confidence nagsisimula ang lahat.

Paano magkaroon ng self-confidence o tiwala sa sarili?

paano magkaroon ng self-confidence

Kilalanin ang sarili nang lubusan.

Natatakot tayong gawin ang isang bagay dahil hindi natin alam kung kaya ba natin itong gawin. Ang takot na ito ay nagmumula sa kawalan ng self-confidence. At ang solusyon dito ay ang pagkilala sa sarili, ang pag-alam sa ating kalakasan at kahinaan.

Alamin ang iyong mga gusto at ayaw. May mga bagay na kahit anong pilit mo ay hindi mo magugustuhan at may mga bagay naman na unang subok mo pa lang ay gusto mo na at naging bahagi na agad ng iyong sistema. Mahalagang malaman mo ito dahil makakatulong ito sa pagkawala ng iyong takot at pagbuo sa iyong self-confidence.

At ang isa pa, alamin ang iyong talento. Maaaring kabilang na ito sa iyong kalakasan, ihiniwalay ko lang para mas bigyan ng pansin. Ang talento kasi, nandiyan na yan sa iyong sarili. Kailangan lang siyang madiskubre. Syempre, kapag talento mo, strength mo iyon at makakatulong upang mapalakas ng self-confidence mo.

Maging positibo.

Ang pagkakaroon ng self-confidence ay estado ng iyong pag-iisip. Kung ano ang nasa iyong isip na kaya mong gawin, yun ang magbibigay sa iyo ng tiwala sa sarili. Kaya naman makakatulong at makabubuti talaga na positibo ang iyong pananaw sa mga bagay-bagay. Mayroon kaming post tungkol sa kung paano maging positibo – Paano Maging Positibo.

Tanggapin ang mga papuri.

Kung pinupuri ka ng ibang tao, tanggapin mo ito sa iyong sarili at magpasalamat ka. Kung minsan kasi, pinupuri ka na ng ibang tao, hindi mo pa ito tinatanggap. Tandaan mo na kung ano ang bagay na pinupuri nila sa iyo, ay isa sa mga kalakasan mo. At isa pa, ang papuri nila ay gawin mong tulay para mapalakas pa ang self-confidence mo.

Tanggapin ang mga kritisismo.

Kung paano mo tinatanggap ang mga papuri, ganoon mo rin tanggapin ang mga kritisismo. Pero syempre, tanggapin mo ito sa positibong pananaw. Ipalagay mo rin sa iyong sarili na ang mga kritisismo ay tanda na may mga bagay na kailangan mo pang pag-igihan. Sabi nga nila, “there is always room for improvement”. Walang perpektong tao. Lahat ay may kailangang i-improve. Kaya wag kang magiging mahina sa mga kritisismo.

Lahat ng tao ay nagkakamali.

Mahalagang alam mo ito. Sabi ko nga kanina, walang taong perpekto, lahat ay nagkakamali. Kaya wag mong hahayaang masira ng isang pagkakamali ang iyong self-confidence. Hayaan mo na lang, move on na agad at sa susunod, matuto ka. Iyon naman talaga ang kahalagahan ng mga pagkakamali. Natututo ang tao sa ganoon. Kaya kung magkamali ka, siguraduhin mong may natutunan ka.

Maging matapang at malakas ang loob.

Kailangan mo ito para sa pagsubok ng mga bagong bagay. Wag kang matakot. Sabi nga ng GILAS Pilipinas, “PUSO”! Narito ang aming post tungkol sa kung paano magkaroon ng lakas ng loob – Paano Magkaroon ng Lakas ng Loob.

Malaki ang maiitulong ng mga nabanggit kung paano magkaroon ng self-confidence para sa iyong sarili. Ngunit may isang bagay na dapat kang tandaan.

Lahat ng sobra ay nakakasama.

Tama! Lahat ng sobra ay masama. Kahit ang magkaroon ng sobrang self-confidence ay masama. Minsan kasi ay nagiging mayabang ang isang tao dahil dito, tumataas ang pride at ego. Kaya naman, dapat tama lang.

Ang pagkakaroon ng self-confidence ay hindi bigla na lamang lilitaw sa iyong pagkatao. Kailangan mong unawain ang mga nabanggit at isagawa palagi hanggang maging bahagi na ng iyong sistema.

Loading...

Alam mo na ngayon kung paano magkaroon ng self-confidence. Nawa ay nakatulong ang aming tips para sa iyo.

Comments

comments

error: Content is protected !!