​​

Paano Gumawa ng Yema Cake (No Bake Recipe)

Isa sa mga naging paborito kong dessert ngayon ay ang yema cake. Para sa akin ay nakakaadik ang lasa nito. Mahilig din kasi ako sa yema noong bata pa ako. Gusto ko lang i-share sa inyo kung paano gumawa ng yema cake. Dati, akala ko ay mahirap gumawa nito pero hindi pala. Napakasimple lang pala gumawa ng yema cake. Pwede ka kasi gumawa nito nang hindi mo na ibe-bake kaya hindi problema kung wala kang oven.

Natutunan ko ang recipe na ito kay Modern Nanay. Nang matutunan ko ito, natuwa talaga ako kasi hindi ito matagal gawin. As in ilang minuto lang ay mayroon ka nang masarap na yema cake. At syempre, ituturo ko ito sa inyo.

Simulan na natin!

Paano Gumawa ng Yema Cake (No Bake Recipe)

Mga gamit:

  • 4 llanera
  • steamer
  • kaldero o malaking bowl
  • foil
  • panghalo

Mga Sangkap:

Para sa cake:

  • 200 grams pancake mix
  • 1/2 – 2/3 cup of water
  • margarine o butter

Para sa yema frosting:

  • 3 itlog
  • 1 can condensed milk
  • vanilla

Toppings:

  • ginadgad na keso

Paraan ng Paggawa ng Yema Cake

Cake

  1. Pahiran ng butter o margarine ang loob ng mga llanera. Siguraduhing malagyan lahat para hindi dumikit ang cake sa llanera.
  2. Sa isang kaldero o malaking bowl, paghaluin ang pancake mix at tubig o milk. Sa ginawa ko, tubig lang ang ginamit ko. Haluing mabuti.
  3. Ilagay sa mga llanera. Huwag masyadong punuin ang bawat llanera. Hanggang kalahati lamang kasi aalsa pa iyan kapag niluto na. Sa ginawa ko, kasya hanggang sa apat na llanera.
  4. Takpan ng foil ang bawat llanera.
  5. I-steam sa loob ng 10 minuto.
  6. Ilipat ng lalagyan. Pwede sa plato o sa plastic container.
  7. Itabi at palamigin.

Narito ang mga pictures ng ginawa ko. Ginawa ko ito gamit ang chocolate flavored na pancake mix. Wala lang. Gusto ko lang subukan kung ano kaya ang lasa kapag chocolate pancake ang gamit.

Yema Frosting:

  1. Ihiwalay ang egg yolk sa egg white. Egg yolk o iyong kulay dilaw lang ng itlog ang ating gagamitin sa paggawa ng yema cake.
  2. Paghalu-haluin ang egg yolk, condensed milk, 2-3 drops ng vanilla sa isang lalagyan. Haluing mabuti hanggang maging smooth.
  3. Isalang sa lutuan. Pakuluin.
  4. Haluin nang dahan-dahan habang pinapakulo hanggang sa lumapot ito. Mas malapot, mas masarap dahil mas lasang yema.
  5. Palamigin. Ayos na! May yema ka na!

Yema Cake:

  1. Ipahid ang yema sa ibabaw ng mga cakes.
  2. Lagyan ng ginadgad na keso sa ibabaw ang bawat yema cakes.
  3. Ihain.

O di ba? Simple lang ang paraan kung paano gumawa ng yema cake? At dahil madali nga lang, gumawa pa ako ulit gamit naman ang ibang flavor ng pancake. Pero pareho lang ng mga steps kung paano.

Loading...

Ayan, ngayon alam mo na kung paano gumawa ng yema cake. I-try mo na agad. Picturan mo at i-share mo sa Facebook page namin o kaya i-tag mo kami >> PaanoHow Facebook Page.

Comments

comments

error: Content is protected !!