​​

Paano Magpaliit ng Tiyan at Mawala ang Bilbil sa Natural na Paraan

Marami sa atin ang may problema sa lumalaking tiyan o bilbil. Kahit pa ano ang tawag mo diyan – baby fats man yan, beer belly o bilbil, narito ka para alamin kung paano magpaliit ng tiyan at mawala ang bilbil. Huwag kang mag-alala, may mga paraan naman para mawala yang mga taba na yan. Pero nais naming linawin na ang mga ipapayo namin sa iyo ay hindi magpapakita ng overnight na resulta. Kumbaga, hindi porke ginawa mo ng isang beses o ilang beses lang ay inaasahan mong papayat ka na kaagad o liliit ang iyong tiyan. Hindi ito magic at hindi rin ito surgery na biglang-ganda o biglang-sexy ang resulta. Ang kailangan dito ay disiplina at pasensya.

Simulan na natin. Ano nga ba ang magagawa mo para mapaliit mo ang iyong tiyan?

Paano Magpaliit ng Tiyan at Mawala ang Bilbil sa Natural na Paraan?

paano magpaliit ng tiyan at mawala ang bilbil

Narito ang aming mga payo sa iyo kung paano magpaliit ng tiyan at mawala ang bilbil sa natural na paraan:

Alamin ang iyong mga numero.

Hindi ito cellphone number. Ang ibig namin sabihin ay alamin mo muna ang mga numero ng iyong timbang at sukat ng iyong tiyan. Timbangin mo ang iyong sarili at sukatin mo ang iyong tiyan. Tapos, kumuha ka ng isang notebook at isulat mo ang mga numero. O kaya naman ay mag-selfie ka, i-edit mo ang iyong picture at ilagay mo ang mga numero ng iyong timbang at sukat ng tiyan. Ang mga numeron iyan ang magiging batayan mo para malaman mo kung pumapayat ka nga o kung lumiliit nga ba ang iyong tiyan. Magiging motivation mo rin iyan, lalo na kapag nakikita mong pumapayat ka at nakikita mong lumiliit ang iyong tiyan. Sabi nga nila, numbers don’t lie.

Tubig lang ‘yan!

Uminom ng isang basong tubig bago kumain. Mabubusog ka na agad sa pag-inom ng tubig at mas kaunti  na lamang ang iyong makakakain. Bukod pa diyan, makakatulong ang pag-inom ng tubig sa mas mabilis na digestion ng pagkain sa iyong tiyan. Mas mabilis matutunaw ng iyong tiyan ang mga kinain mo, mas mabilis din ang pagkalat ng nutrients sa iyong katawan.

Goodbye Unli Rice

Tigilan na muna ang pag-unli rice. Oo, hindi naman talaga maitatanggi na tayong mga Pinoy ay mahilig talaga sa kanin. Mahirap gawin ang pag-iwas dito. Pero walang magagawa, kailangang bawasan ang pagkain ng kanin. Kung dati ay nakakaubos ka ng 2-3 cups, gawin mo na lang 1 cup ngayon. O para hindi ka naman mabigla, 1.5 cup muna. Pero after 1 week, 1 cup na lang.

Kaunti pero madalas.

Dahil sa pagbabawas mo ng kanin, mas mabilis kang magugutom. Kaya naman, ang teknik diyan ay kumain ka nang kakaunti pero mas madalas. Kung dati, heavy breakfast + heavy lunch + heavy dinner, kailangan mo itong singitan ng meryenda. Gagawin mo na itong light breakfast + meryenda + light lunch + meryenda + light dinner. Ang oras ng pagkain ay may agwat na 2-3 oras. At huwag muling kakalimutan na uminom ng tubig bago at pagkatapos kumain.

Slowly but surely.

Tungkol naman ito sa bilis ng iyong pagkain. Karamihan sa atin ay sanay kumain nang mabilis – malaking subo, kaunting nguya, lunok. Ganyan ang karamihan. Pero hindi dapat ganyan. Kasi, mahaba ang nilalakbay ng pagkain papunta sa ating tiyan. Kumbaga, hindi natin agad mararamdaman ng busog na pala tayo. Kaya naman larga lang tayo sa kakasubo ng pagkain. At mayamaya, mararamdaman na lang natin ang biglang pagkabusog. Tama ba?

Kaya naman, kailangang kumain nang mas mabagal. Namnamin mo ang pagkain. Nguyaing mabuti. Kapag mabagal ka kumain, mas mararamdaman mo ang pagkabusog at sa pagnguya nang mabuti sa pagkain ay mas mapapabilis ang trabaho ng tiyan pagdating sa digestion.

Gawing makulay ang pinggan.

Hindi mo pipintahan ng iba’t ibang kulay ang iyong pinggan. Ang ibig naming sabihin ay dagdagan ang iyong pagkain ng kulay sa pamamagitan ng pagdadagdag ng prutas at gulay sa iyong kakainin. Iba’t ibang prutas at gulay. Nakakabusog na, healthy pa.

Tubig lang, sapat na.

Balik na naman tayo sa tubig. Syempre, tapos na kumain. Baka maisipan mo pang bumili ng softdrinks. Huwag na! Tubig na lang. Saka makakadagdag lang sa taba sa iyong tiyan ang softdrinks. Kung gusto mo naman ng juice, doon ka sa natural na juice. Hindi yung tinitimpla.

Huwag kalimutan ang tamang oras ng pagkain.

Minsan, dahil busy tayo, nagpapalipas tayo ng oras ng pagkain. Napakamali nito. Kasi mas gugutumin kapag ganito. Mas mapapalakas kumain. Kaya naman, kumain sa tamang oras.

Mag-exercise tayo.

Hindi naman ito kailangang tuwing umaga. Maglaan ng 3-4 na araw kada linggo para sa 30 minuto hanggang isang oras na exercise. Pwede mo ring subukang mag-zumba. Uso naman iyon o di kaya naman ay yoga. Marami ka naman makikitang video sa Youtube na pwede mong gayahin.

Palakasin mo rin ang muscles mo sa tiyan. Mag-aral ng mga exercise na nagpapalakas ng tiyan, gaya ng stomach crunches. Marami rin nito sa Youtube o kahit sa Facebook ay marami na rin.

Tamang tindig, tamang tikas.

Magkaroon ng tamang tindig o posture. Tumayo nang matuwid. Pansinin mo, kapag tumatayo ka nang tuwid, lumiliit ang tiyan mo. Kaya naman, huwag maging kuba sa pag-upo at pagtayo. Mas mabuti nang masanay ka sa tamang posture.

Maglakad.

Kung malapit lang naman ang pupuntahan mo at sa tingin mo ay kaya namang marating sa loob ng 15-20 minutong paglalakad, lakarin mo na lang.

Matulog.

Napakahalaga ng pagtulog nang tama sa oras at tamang bilang ng oras. Kapag kulang kasi tayo sa tulog, nangangailangan ng enerhiya ang ating katawan. Kaya naman mas mabilis tayong magugutom kapag ganoon. Kaya matulog ka nang tama.

Weekly update.

Naalala mo iyong unang hakbang natin? Kung hindi, balikan mo sa taas. Gagawin mo ulit iyon para sa weekly update. Kuhanin mo ulit ang iyong timbang at ang sukat ng iyong tiyan. Kung sinunod mo ang lahat ng aming payo kung paano magpaliit ng tiyan ay siguradong bababa ang mga numerong nauna mo nang isinulat.

Paano Maiiwasan ang Paglaki ng Tiyan at Pagkakaroon ng Bilbil?

Matapos mong malaman ang mga paraan kung paano magpaliit ng tiyan at mawala ang bilbil, narito naman ang mga kailangan mong iwasan para hindi na madagdagan pa ang taba sa iyong tiyan:

Alak.

Nakakalaki ng bilbil ang alak lalo na ang beer. Kaya nga beer belly ang tawag ng iba sa mga lalaking may malalaking tiyan.

Sweets.

Sorry pero kailangan. Masarap ang matamis pero nakakataba ito. Nagiging sanhi pa ng diabetes. Bawasan na lang ang pagkain nito.

Basahin: Paano Makakaiwas sa Diabetes

Salts.

Sorry ulit. Kailangan ring bawasan ang pagkain ng maaalat na pagkain gaya ng mga junk foods. Bawasan na rin ang pagkain ng maraming asin. Gawin mo na lang ito pakonti-konti para masanay ang iyong panlasa.

Fats.

At syempre, umiwas na matataba at mamantikang pagkain. May mga alternatibo naman sa pagkain ng mantika. May mabibili ka na ngayon na zero cholesterol na mantika. Pwede na iyon kung gusto mo talagang magprito.

Masarap kumain ng tana ng baboy. Masarap din at chicharon. Pero sorry, makakadagdag lang ang mga tabang iyan sa taba na nasa tiyan mo na. Kaya iwas na lang.

Stress.

Nakakataba ang stress. Bakit? Kasi, kapag stressed tayo, humihina tayo. Kaya naman lumalakas tayong kumain. Isa sa solusyon dito ay matulong nang tama.

Basahin: Paano Makakaiwas sa Stress

pampaliit ng tiyan

Bilang karagdagan, gusto lang namin i-share itong nakita namin mula sa post ng PinoyMD ng GMA 7 na mga pagkaing pampaliit ng tiyan.

>> Healthy Meal Plan na Pampaliit ng Tiyan

Ngayon, alam mo na ang mga paraan kung paano magpaliit ng tiyan at mawala ang bilbil. Ang kailangan mo na lang ay disiplina sa pag-iwas sa mga bawal at pagsunod sa mga tama.

Huwag ka rin maging ningas-kugon na sa umpisa lang magaling pero paglipas ng ilang araw ay wala na rin. Tandaan mo na hindi mo makukuha ang iyong nais nang madalian lang. Kailangan mong magtiyaga.

May pahabol pa, kapag napaliit mo na ang tiyan mo, baka interesado ka na rin na malaman kung paano magkaroon ng abs. Mayroon din kami article tungkol doon. >> Paano Magkaroon ng Abs o 6 Pack Abs

Loading...

Kung nakatulong sa iyo ang post na ito tungkol sa kung paano magpaliit ng tiyan at mawala ang bilbil sa natural na paraan, i-share mo naman ang article na ito sa iyong mga kaibigan sa Facebook o sa Twitter. I-like mo na rin ang aming Facebook Page >> /PaanoHow at i-follow kami sa Twitter >> @PaanoHow. Maraming salamat at good luck sa iyong journey sa mas maliit na tiyan.

Comments

comments

error: Content is protected !!