Bagong taon na naman, may bago ka na naman bang New Year’s resolution? O baka naman copy-and-paste lang sa last year’s resolution mon a hindi mo natupad?
Aminin na natin, madalas ay sa umpisa lang tayo masigasig sa pagtupad ng ating naipangako sa ating mga sarili tuwing bagong taon. Nariyan na ang magda-diet, magpapapayat o magpapataba, magtitipid na, mag-iipon na, hindi na magsisinungaling, mag-aaral na ng mabuti, titigil na sa paninigarilyo, at kung anu-ano pa. Mahirap di ba? Alam namin. Kaya naman nais naming makatulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilang tips.
Heto ang mga tips para matupad mo ang iyong New Year’s Resolution. Upang mas madali mo itong maalala, ito ang isang acronym para sa mga tips, A-I-R.
Alalahanin!
Ang “A” ay para sa alalahanin. Dapat mong maalala parati na gumawa ka ng New Year’s resolution noong bagong taon. Ang paggawa ng isang New Year’s resolution ay madaling kalimutan, pagkat hindi ito isang mahalagang pangyayari sa ating buhay. Narito ang ilang mga paraan upang mas maaalala natin ang ating New Year’s resolution.
Isulat ito. Imbes na sabihin ito sa ating sarili, mas maaalala natin ito kung mayroong pruweba o ebidensya na gumawa tayo ng isang New Year’s resolution.
Humanap ng kasama. Kapag gagawa ng isang New Year’s resolution, mas malaki ang tiyansa na maalala mo ito kung mayroon kang kasamang gawin ito, lalo na kung ang kasama mo ay isang taong mahalaga sa iyong buhay. Kapag nakikita mo ang taong ito, naaalala mo ang mga masasayang alaala na ginawa niyo ng magkasama at isa na roon ang paggawa ng New Year’s resolution.
Magkaroon ng maraming kopya. Kung palagi mo itong nababasa, imposible na makakalimutan mo ito. Ilagay ito sa isang sticky note, sa tabi ng light switch ng iyong kwarto, gawing wallpaper sa iyong laptop o mobile phone, ilagay sa ref para sa tuwing bubuksan mo ang ref, makikita mo ito. At kung talagang dedicated ka, i-cover o profile mo na rin sa Facebook.
Isabuhay!
Ang “I” ay para sa isabuhay. Isabuhay – madaling sabihin, mahirap gawin.
Ang bawal ay bawal. Sa bawat New Year’s resolution, mayroon at mayroong “bawal” riyan. Tulad ng “Huwag ng manigarilyo.” o “Huwag ng kumain ng marami.” Ang bawal ay bawal, at ipapaalala sa sarili kung nalalapit sa tukso na bawal ito.
Humanap ng motibasyon. Kung ikaw naman ay nasa bingit na ng pagsuko, at tila hindi mo na kaya, hanapin mo ang iyong motibasyon o ang iyong inspirasyon. Maari itong isang tao, tulad ng isang supermodel na may magandang katawan na nais mong ma-achieve, o tulad ng isang matagumpay na tao na dating lulong sa sigarilyo at ngayo’y nakabangon.
Reward!
Ang “R” ay para sa reward. At kung umabot ka ng ilang buwan ng walang nilalabag sa iyong New Year’s resolution, at sa tingin mo’y deserve mo ang isang reward, bigyan mo ng premyo ang iyong sarili. Maari kang lumabas at magliwaliw at kumain ng masasarap. Maari kang bumili ng isang regalo para sa iyong sarili. Ngunit tandaan, ang bawal ay bawal!
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng reward sa iyong sarili, mas gaganahan kang ipagpatuloy ang iyong ginagawa upang lumipas ang taon na sinunod mo ang lahat ng nasa iyong New Year’s resolution.
At iyang ang ilang tips upang matupad mo ang iyong New Year’s resolution. Sana’y matupad mo ang iyong New Year’s resolution ngayong manigong bagong taon. Happy new year!